BAHAGI ng destabilisasyon laban sa administrasyong Duterte ang pagdadawit sa Palasyo sa Frigate deal.
Isiniwalat ni Presidential Spokesman Harry Roque kahapon, may nakapagtimbre sa kanya, may “major destab effort” laban sa gobyernong Duterte.
“Mayroon kasing — consultant ako no’ng ako ay nasa Kongreso pa at may public relations practitioner. Sinabihan ako na mayroon daw major destab effort na magsisimula daw sa isang mistah sa opisina. So wala namang leak na nangyari pero iyong tanong ni Pia Ranada tungkol dito sa frigate nagsimula talaga diyan sa akin (unclear). So sa tingin ko ito na iyong destab na sinasabi nila,” ani Roque.
Giit ni Roque, dapat mag-ingat ang mga nagpasimunong idawit si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa frigate project ng Philippine Navy dahil nakadaling idepensa ang akusasyon laban sa kanya.
Normal aniyang i-refer ng mga opisina sa Palasyo ang mga natatanggap na reklamo sa kaukulang ahensiya.
“Ang sa akin naman mag-ingat sila kasi unang-una napakadaling depensahan iyang ginawa. Lahat ng reklamo na tinatanggap ng mga opisina dito sa Malacañang iniimbestigahan at inire-refer sa mga line agency,” aniya.
Kapag hindi aniya inaksiyonan ng mga tanggapan sa Palasyo ang mga natanggap na reklamo ay maaari silang sampahan ng kasong paglabag sa Salonga Law o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Ipinaalala ni Roque, taliwas sa mga isyung ipinupukol sa Palasyo, ang mga eskandalong kinasangkutan ng administrasyong Aquino ay batay sa ebidensiya kaya dapat kasuhan ang mga opisyal nito gaya ng SAF 44, Dengvaxia, livelihood scam at kapalpakan ng MRT.
“Katotohanan ang ating ibabato sa kanila kapalit ng mga guni-guni nila at makapaningil dahil nga may mga balakid sa kanilang mga paningin,” aniya.
(ROSE NOVENARIO)