TUMIGIL na ang ikot ng mundo kay Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison at huminto ang kanyang alaala sa First Quarter Storm (FQS).
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi na binibigyan ng halaga ng Palasyo si Sison at umaasa na lamang na sana’y may sapat na bilang ng apo ang CPP founding chairman na lalahok sa panawagan niyang paglulunsad muli ng FQS laban kay Duterte.
“We don’t attach too much important on Joma Sison. I hope he has enough grandchildren to heed this call. The problem with Joma Sison is he stocked in history. He never moved beyond the first quarter storm,” ani Roque.
Kamakalawa ay nanawagan si Sison sa mga kabataan na maglunsad ng mala-FQS na mga kilos-protesta laban kay Duterte.
Malalaking rally sa pangunguna ng Kabataang Makabayan (KM) at ibang mga pambansa-demokratikong organisasyon ng kabataan at estudyante ang sumalubong sa unang tatlong buwan noong 1970 na tinaguriang FQS laban sa gobyernong Marcos.
Kaugnay nito, inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang CPP-NPA na tumatanggap ng pondo mula sa ibang bansa pero ang mga pinuno lang ang nakikinabang.
“They have foreign supporters. These white socialists who are paying up the communists here. For all we know, these funds are being pocketed only by their leaders,” dagdag niya.
Sinayang lang aniya ng kilusang komunista ang kanyang pagsusumikap na isulong ang kapayapaan sa bansa.
Inis na nagbanta si Duterte na sasampalin si Sison kahit dati niyang propesor ang CPP founding chairman.
Bagama’t mas matalino aniya si Sison sa kanya, ipinagmalaki ni Duterte na siya naman ang Pangulo ng Filipinas habang si Sison ay pinuno ng kilusang pabagsak na.
(ROSE NOVENARIO)