LOKASYON. Conflict sa schedules ng artist. Ilan ito sa mga dahilan ng pagkaka-pack-up ng shooting ng pelikula nina Nadine Lustre at James Reid, ang Never Not Love You.
Bukod pa ang sinasabing pagkakasakit ni Nadine at ang umano’y paglalasing ni James.
“I will only speak as a director. Nakaiinis din ‘yun kapag nakabuwelo. Fair din akong tao. ‘O nabalita kang lasing ia-assume ko na lasing ka talaga, kaya gusto ko rin siyang makausap. Mamaya may meeting kami. Naka-work ko na rin naman sila sa ‘OTWOL’, okey naman sila. So mag-usap tayo kung ano ba ang ano (tunay na dahilan),” ani Direk Dan Villegas nang makausap namin pagkatapos ng Changing Partners presscon noong Huwebes ng tanghali.
Ani Direk Dan, hindi pa nag-uusap sina Direk Antoinette Jadaone at ang JaDine pero aniya, “nagte-teksan naman sila. Si Tonette kasi is busy right now dahil nire-rewrite niya ‘yung sa London scene, kasi nga roon sa pag-ocular namin may kailangang baguhin.”
Nilinaw din ni Direk Dan na hindi ito ang unang pagba-blog ni Direk Tonette. ”Hindi niya first time mag-blog if you read her blog. Doon siya nag-a-angst ng ano…
“If your telling na she’s frustrated. It is really frustrating and I agree with you. Frustrating na napa-pack-up. Ang reason ng pag-pack-up parang pinipiga ng tao kay Tonette. Hindi iyon ang issue, ang issue niya naiinis siya na napa-pack-up. At ito ang pag-uusapan namin mamaya sa meeting,” paliwanag pa ng director na co-producer pala sila ni Direk Tonette ng Viva Films sa pelikulang ito kaya naiintindihan namin kung bakit na-frustrate ang magaling na director sa hindi na naman pagkakatuloy ng shooting.
Natanong si Direk Dan ukol sa kung uncontrollable na ba ang artista kaya kailangang mag-blog?
“Ayoko kasing magsalita kasi baka naman nagpapaka-positive lang ako. Let’s all be positive. It’s frustrating, but let’s take a face value.”
Eh ýung usaping lumaki na ang ulo ng dalawa? May nababalitaan ka na ba na ganoon sa dalawa?
“Ganito, lahat naman ng artista may negative publicity, kahit sino pa iyan. Kahit sabihin ko na ako naka-work ko itong mga ito, mabait sila. O si ganito… it really depends on the experience of the person.
“I need to direct them to know, kasi roon mo malalaman, para ma-gauge ko ‘yung sinasabi ninyong unprofessional, nagka-ego…I’m hoping sana hindi, ‘di ba?”
Kung halimbawang totoo ang sinasabing issue (may sakit), hindi ba dapat ‘yun intindihin?
“Depende kasi sa konteksto, kung halimbawa gusto mong mag-enjoy the night before, kung kaya mong dalhin, who am I to judge you. Nagpakalasing ka the night before, nag-party ka, dumating ka the next day, nakapag-deliver ka, I’m not saying kung actor ka man, delivery man, crew ka, I don’t care your life outside. Trabaho ito, at the end of the day pero you deliver.”
Samantala, ipalalabas na sa mainstream cinemas ang pelikulang nakakuha ng maraming awards sa katatapos na 2017 Cinema One Originals Film Festival, ang Changing Partners. Mapanonood na ito sa Enero 31.
Ang Changing Partners ay base sa isang musicale play mula sa PETA na likha ni Vincent De Jesus. Umiikot ang istorya Changing Partners kina Alex at Cris na ipinagdiriwang ang una nilang anibersaryo bilang isang live-in couple. Bagamat mahal na mahal nila ang isa’t isa sa kabila ng 15 taong agwat ng kanilang edag, kakaharapin nina Alex at Cris ang iba’t ibang pagsubok na bahagi ng kanilang desisyon.
Ito’y pinagbibidahan nina Agot Isidro, Jojit Lorenzo, Anna Luna, at Sandino Martin. Mula naman ito sa direksiyon ni Dan Villegas at sa panulat nina Lilit Reyes at Vince de Jesus.