ASTIG talaga si Robin Padilla. Hindi siya apektado ng mga panlalait sa kanya ng netizens dahil sa walang-prenong pagpapayo n’ya sa isang Korean contestant sa ABS-CBN show na Pilipinas Got Talent na matuto itong mag-Tagalog dahil sampung taon nang naninirahan sa Pilipinas.
Isa si Robin sa apat na judges sa nasabing competition show ng Kapamilya Network na ipinalalabas tuwing Sabado at Linggo ng gabi.
Pahayag ni Robin sa media kamakailan: “Wala akong pinagsisisihan. Kasi ako pumupunta rin ako sa ibang bansa. Kapag pumupunta ako sa ibang bansa, pinipilit kong malaman kung ano ang salita roon, kasi bisita ka roon. Ikaw ang makikibagay.”
Dagdag na payo n’ya para kay Kim Jiwan, ang banyagang contestant: ”Kung pupunta ka rito sa Pilipinas at uutusan mo kami, at Iinglesin mo kami, sa banyagang pananalita, nagkakamali ka. Bayan ko ito at handa akong mamatay anytime para sa bayan ko.
“Kaya kung sasabihin mo sa akin na 10 taon ka na rito, at hindi ka pa rin marunong mag-Tagalog, may problema ka.
“Hindi mo puwedeng sabihin sa akin na mahal mo ang Pilipinas. Sabi niya mahal niya ang Pilipinas, may girlfriend siyang Filipina pero hindi siya marunong mag-Tagalog?”
Iginiit ng aktor na hindi naman n’ya hiniya, binastos, o inaway ang contestant.
“Hindi ko naman siya inaaway. Sinabihan ko lang siya na parang tatay niya. Sabi ko sa kanya, ‘Ako parang tatay mo. Tandaan mo iyan. Mayroon akong kilalang Korean, si Ryan Bang, mas magaling pa sa akin mag-Tagalog.’ Yun lang naman. Advice ko lang sa kanya,” giit ni Robin.
Sa mga basher naman n’ya dahil sa paalala n’ya sa contestant na yon: ”Mahalin nila ‘yung Korean kung gusto nila. Wala namang problema sa akin ‘yun, eh. Magpakamatay sila sa Korean kung gusto nila. Wala naman problema sa akin ‘yun!
“Kung tayong mga Filipino ay hindi magiging patriotic sa bansa natin, huwag tayong humingi ng pagbabago. Kung tayo mananatili tayong alipin ng dayuhan, kayo na lang. Hindi ako magpapaalipin sa dayuhan sa bansa ko. Hindi mangyayari ‘yun. Ako ang hari rito dahil bansa ko ito.”
Astig na astig na makabayan si Robin, ‘di ba?
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas