DAHIL nagwagi na naman siya ng award para sa pelikulang second choice lang siya, worried si Derek Ramsay sa magiging resulta ng pelikulang nakatakda na n’yang gawin na first choice siya para gumanap.
“The movie I am doing next is the first movie I’m going to be doing as the first choice. So I don’t know, maybe second choice is lucky for me,” pahayag n’ya offstage matapos manalong Best Actor para sa 2017 Metro Manila Film Fest entry nila ni Jennylyn Mercado na All of You.
Si Jericho Rosales ang first choice para sa All of You.
Hindi nabanggit ni Derek ang titulo ng gagawin pa lang n’yang pelikula na first choice siya. Ang pagtanggap n’ya ng Best Actor trophy noong awards night ng 2017 MMFF ang napag-ukulan n’ya ng pansin dahil kasama pala n’ya ang anak n’ya (na lalaki) noong gabing ‘yon.
Pahayag nga n’ya noong tinanggap ang award: “I’m very very proud today. I want to dedicate this to my son because he’s here with me. It’s perfect timing. God is great because I haven’t seen him in two years and he’s here to witness his dad here up onstage to be receiving a prestigious award.”
Austin ang pangalan ng anak n’ya. Ang ex-wife n’yang si Mary Christine Jolly ang ina ng bata. Noong 2014 ay nasangkot ang dating mag-asawa sa isang custody case na may kaugnayan kay Austin. Nagkakasundo na sila ngayon kaya nakapiling ni Derek ang anak n’ya noong Kapaskuhan.
Sana nga ay magtuloy-tuloy na ang pagkakasundo nila kahit na may ka-live in na ngayon si Derek na girlfriend na foreigner. Maraming biyayang naidudulot ang pagpapatawaran at pagkakasunduan. Hayan nga’t may pelikula na si Derek na siya ang first choice. Baka hindi naman siya dapat mag-alala na ‘di kikita at ‘di mapupuri ang unang pelikulang gagawin n’ya ngayong 2018.
Nabanggit nga pala ni Derek na hangad n’yang magkapelikula na kasama si Jericho dahil sa isang teleserye pa lang n’ya nakasama ito noon sa Kapamilya Network. Posible ngang magkasama sila ni Jericho sa paglaon dahil nagbalik-Kapamilya Network na si Derek.
At kahit nga pala may pelikula na siyang siya ang first choice, handa pa rin siyang tumanggap ng project na second choice lang siya.
“You know, most of the projects that I’ve done, I’ve always been second choice. It’s not something to be ashamed of. You’re blessed that it went to you. So galingan mo ‘yung trabaho, pagbutihin mo, and when you do that, great things can happen to you,” giit n’ya.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas