PARANG nagtuloy-tuloy na ang 100 Tula Para kay Stella nina JC Santos na nanguna sa takilya sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP).
Actually, pagkatapos ng opening day report na nagsasabing ang pelikulang idinirehe ni Jason Paul Laxamana ang nanguna, wala nang naglabas ng box office performance ng mga pelikula ng mga sumunod na araw. Pero kung may tumalo sa 100 Tula tiyak ibabando ‘yon ng producer o ng director ng pelikula. Siyempre pa, dagdag appeal ‘yon sa pelikula nila. Alam n’yo naman ang mga Pinoy as moviegoers: ‘pag nabalitaan nilang kumikita ang pelikula, mas lalo nilang pinanonood kaysa roon sa pinupuri lang ng mga nagrirebyu-rebyuhan.
Siguradong ‘di lang naman ang istorya ng 100 Tula ang nagustuhan ng madla kundi pati na ang acting nina JC at Bela.
But then, actually, mas mararamdaman ng viewers ang husay ng isang artista kapag napanood nila ito sa entablado na uma-acting nang live. At sa mga ‘di pa napapanood si JC sa entablado, may chance kayo na mapanood siya sa susunod na buwan (Setyembre). Gaganap uli si JC sa stage play na Buwan at Baril sa Eb Major at magkakasama sila ni Angeli Bayani na kapapanalo lang ng Best Actress sa katatapos na Cinemalaya 2017. Nagwagi si Angeli para sa pagganap n’ya sa Bagahe bilang isang buntis na OFW na pinaanak ang sarili sa comfort room ng eroplanong pabalik sa Filipinas mula sa Middle East at iniwan ang sanggol sa basura-han sa loob ng CR.
Matagumpay at mapayapa siyang makababalik sa Ifugao na hometown n’ya.
May limang episodes ang Buwan at Baril, at magkakasama sa isang episode sina JC at Angeli. Isang paring misyonero si JC sa istorya at si Angeli naman ay isang katutubo na nagdadalamhati sa walang habag na pagpaslang ng militar sa ama n’yang magsasaka. Itawis ang lengguwahe ni Angeli sa istorya at silang dalawa lang ni JC ang magkaeksena sa episode.
Sa September 15-16 at 23-24 itatanghal sa Cultural Center of the Philippines ang Buwan at Baril. Sa September 26-27 naman ay sa PETA Theater Center ito itatanghal.
Second round na ito ng pagtatanghal ng Buwan at Baril sa direksiyon ni Andoy Ranay. Itinanghal na ito sa Bantayog ng mga Bayani sa EDSA noong Pebrero.
Nasa cast din ng ibang episodes sina Cherry Pie Picache, Jackielou Blanco, Crispin Pineda, Paolo O’Hara, Joel Saracho, Mayen Estanera, Danny Mandia, Raymond Domingo, at Ross Pesigan. Ang Buwan at Baril sa Eb Major ay isinulat ni Chris Millado noong batang aktor pa siya sa PETA. Ngayon ay vice president siya ng CCP, na artistic director din siya.
Higit na mas mahal ang mga tiket sa stage play kaysa mga pelikula sa sinehan—kaya magtipid na at mag-ipon ng pambili ng tiket.
KITANG-KITA KO – Danny Vibas