IN a past life, gay basher siguro ’yung character ni Paolo Ballesteros sa Die Beautiful, kaya ipinaranas din sa kanya ng batas ng Karma na maging bading din siya na minaltrato ng sarili n’yang pamilya.
Pero naging mabait na bading si Trisha (Paolo). Hindi naman n’ya kinamuhian ang pamilya n’ya at ang mundo. Nagmahal siya ng lalaki at nag-ampon ng batang babae na pinalaki naman n’ya ng maayos. At kahit na nga nagkasakit siya na siya ngang ikinamatay n’ya, nagtagumpay naman siya na matupad ang pangarap n’yang maging gay beauty queen.
Hindi naman tungkol sa pagpapakamatay nang maganda ang pelikula kundi tungkol sa pamumuhay ng maayos at pagtupad ng isang pangarap o mithiin.
Maaaring hindi kayo pamilyar sa reincarnation o ang paulit-ulit na pagbabalik sa mundo ng bawat kaluluwa (“soul” po, hindi “ghost” o “multo”) sa iba’t ibang katauhan sa iba’t ibang panahon, lugar, at sitwasyon. Pag-unlad ng karanasan at kakayahan ng bawat kaluluwa ang layunin ng bawat reincarnation. Ito ang dahilan kung bakit parang may misteryo sa buhay ng tao o kung bakit parang may injustice sa mundo; halimbawa’y ang pangyayaring may ipinanganak na mayaman, may mahirap, may ubod ng ganda, at may kahindik-hindik ang hitsura, may misteryosong napapatay, o laging nananakawan o nadudukutan.
May mga leksiyon tayong dapat matutuhan sa bawat pagbabalik. Hindi tayo basta isinadlak na lang ng buhay sa mga sirkumstansiya at sitwasyong kinasilangan o kinagisnan natin. May purpose kung bakit tayo nailagak sa mga iyon. At hindi parusa ng Diyos ang anumang kinalalagyan o kinasadlakan natin. Maaari nating unti-unting baguhin ang mga sirkumstansiya at sitwasyon ng ating buhay kung hindi tayo masaya sa mga iyon.
Puwede ring masaya tayo sa kinalalagyan natin at gagawin natin ang lahat para manatili roon at makahanap ng katuparan sa kinalalagyan natin. Nang maramdaman ng karakter ni Paolo sa Die Beautiful na isa siyang babae na isinilang sa katawan ng isang lalaki, pinangatawanan n’ya ang pakiramdam na ‘yon kahit na itinatwa at pinalayas na siya ng pamilya sa kanilang tahanan. ‘Di naman n’ya sinira ang buhay n’ya.
Magiging transgender pa ba si Trisha sa susunod n’yang buhay?
Maaaring hindi na. Maaaring hindi na siya sa Pilipinas isilang muli, at hindi rin sa isang pamilya na ang mga magulang at kapatid ay makikitid ang isip. Ibang leksiyon na para sa kanyang soul evolution ang kailangan n’yang ma-master.
Mas mauunawaan natin ang buhay—ang sa sarili natin at ang sa iba—kung bibigyang-puwang natin sa ating isipan ang konsepto ng reincarnation. Hindi natin huhusgahan ang bawat pangyayari bilang “social injustice,” “political manipulation,” “failure of the educational system,” and “victory of criminal minds.”
May kanya-kanyang istorya ang bawat kaluluwang nakauugnay at nakakahalubilo natin. Tungkulin nating unawain ang ating sarili at ang ating kapwa. Tungkulin nating magkasundo ‘di man tayo nakatira sa ilalim ng isang bubong, isang bansa, o isang relihiyon.
KITANG-KITA KO – Danny Vibas