“HINDI. Hindi naman kami obsessed na kami ang maging top grosser ng festival. Mas idinarasal namin na sana kumita ‘yung Magic 8 ng MMFF 2016.”
‘Yan ang seryosong pahayag ni Jun Lana sa simpleng Christmas party ng Enpress group kamakailan sa Baliwag Grill. At ang “kami” na tinutukoy n’ya ay ang husband and business partner n’yang si Perci Intalan. Si Jun ang direktor ng entry na Die Beautiful at bale si Perry ang producer ng pelikula na pinagbibidahan ni Paolo Ballesteros, na sa istorya ng pelikula ay isang transgender na gustong malibing na mukha siyang magandang-maganda at naka-outfit ng bonggang-bongga.
Abutin kaya ng Magic 8 ng Metro Manila Film Festival 2016 (MMFF) ang kalahati ng P1-B na kinita ng MMFF 2015? Dahil hindi commercial appeal ang pangunahing batayan sa pagpili sa Magic 8 ng MMFF 2016 at sa halip ay quality and artistry/creativity, mahirap isiping mapapantayan ng entries this year ang total gross income ng mga entry noong nakaraang taon na pinili batay sa commercial appeal ng mga ito.
Kung umabot ng kalahating bilyon man “lang” ang total gross ng MMFF 2016, tanggapin kaya ito ng mga taga-industriya ng pelikulang Filipino bilang sapat na positibong senyal na may market naman pala ang non-commercial films para sa MMFF kaya’t dapat na ituloy sa mga susunod pang taon ang pamantayan na in-implement ng Tiongson selection committee sa taong ito?
Pero paano kung hindi umabot sa kalahating bilyon man lang ang box office gross ng MMFF 2016, mangangahulugan ba ‘yon na palpak ang choices ng Tiongson committee at kailangang sa susunod na taon ay ibalik na ang lumang pamantayan at hayaan na muling mamayagpag sa MMFFang mga pelikula nina Vic Sotto at Vice Ganda?
Magkano kaya ang dapat kitain ng MMFF 2016 para maituloy-tuloy na ang pamantayang ginamit ng Tiongson committee?
Kung ipahayag ng mga producer ng Magic 8 na kumita naman sila kahit na ‘di umabot sa kalahating bilyon ang box office gross ng MMFF 2016, okey na rin ba ‘yon sa industriya at sa MMFF administrators para ituloy na sa mga susunod na taon ang pamantayang ginamit ng Tiongson selection committee? Ganoon siguro ang iniisip ng mag-partner na Jun at Intalan kaya ipinapanalangin nilang kumita sana ang bawat isa sa walong entries sa MMFF 2016.
KITANG-KITA KO – Danny Vibas