MAS magpakaabala na kaya ang award-winning filmmaker na si Carlos “Carlitos” Siguion Reyna na mag-isip ng project para sa teatro kaysa pelikula?
Parang naging okey na okey sa theater-goers at sa mga kritiko ang kadidirehe lang n’yangPanaginip sa Isang Gabi sa Gitnang Tag-araw na ipinalabas sa Cultural Center of the Philippines, na nagkaroon pa ng extension ng isang weekend. Adaptasyon ‘yon sa Filipino ng A Midsummer Night’s Dream ni William Shakespeare ang pagtatanghal.
Likha ng National Artist for Literature na si Rolando Tinio ang adaptasyon na nagtampok sa movie actress na si Jackielou Blanco bilang isa sa mga nagsiganap.
Hari ng Tondo ang pinakahuling pelikulang ginawa ni Carlitos at entry ito noong Cinemalaya 2014, ang pinakasikat at pinaka-prestigious na independent film festival sa bansa (halos 10 na ang indie film festivals sa Pilipinas pero marami sa kanila ang nag-opening day at closing day pero ‘di man lang napag-usapan sa mga huntahan, gaya na rin ng sampu-singkong awards nights na award-giving bodies).
Dahil siguro sa kawalan ng movie projects kaya may isa o dalawang taon ding nagturo na lang muna si Direk Carlitos ng filmmaking sa National University of Singapore. ‘Yon ay bago pa siya nagdirehe ng Hari ng Tondo.
Maaaring ‘di alam ng teenagers pa lang ngayon na millennials na si Carlitos ay anak ng retired actress-producer na si Armida Siguion Reyna at asawa ng magaling na scriptwriter na si Bibeth Orteza (na paboritong scriptwriter ni Vic Sotto mula pa noong panahon ng Okey Ka, Fairy Ko sa TV). Si Bibeth ang may gawa ng script ng Hari ng Tondo. Anak nila si Rafa Siguion Reyna na naging tampok na bituin din sa Hari ng Tondo, na si Robert Arevalo ang bida.
Dahil may kakayahan naman siya, okey lang na magdirehe ng pelikula at play si Carlitos. Nagagawa rin yon ni Joel Lamangan ngayon at ni Lino Brocka noon. Okey lang na laging may ginagawa.
KITANG-KITA KO – Danny Vibas