LOS BAÑOS, LAGUNA – Dinalohan ng mahigit kumulang 150 delegado ang Pambansang Summit na isinagawa sa Philippine High School for the Arts (PHSA) kahapon.
Binubuo ng 78 wika ng mga indigenous people (IPs) ang delegado: 40 mula sa Luzon; siyam sa Visayas; at 29 sa Mindanao.
Ayon kay Direktor Heneral Roberto Añonuevo, isang malaking achievement ang mapagtipon ang ganitong bilang ng delegadong may iba’t ibang wika para sa layon ng Summit na magkaroon ng nagkakaisang boses at pagkilos ang mga Filipino para sa kalikasan at kaligtasan ng sambayanang Filipino.
Hangarin ng KWF, sa pamamagitan ng Summit na maibalik ang katutubong kinagisnan at maiwaksi ang kapahamakang dulot ng kamangmangan.
Binigyan din ni Komisyoner Purificacion Delima na ang isang wikang hindi ginagamit ay namamatay o iyong tinatawag na dead language.
Binigyang atensiyon sa programa ng pre-summit ang presentasyon ng ilan sa mga katutubong konsepto ng mga delegadong dumalo.
Sinimulan ni Rebecca Reyes mula Bataan, na ibihagi ang katutubong konsepto ng wikang Ayta Magbukon at ilang pangkalikasang kaalaman na ginagamit nila sa tuwing paparating ang mga sakuna, tulad ng paglilitawan ng mga anay, pagsusulputan ng mga ibon sa himpapawid at ang pag-iingay ng mga hayop.
Kani-kaniyang pakulo ang iba pang tagapagpresenta na sina Bae Imelda Signapan ng Davao del Sur sa wikang B’laan; Manuel Oroza ng Mindoro sa wikang Hanunuo Mangyan; Datu Ampuan Jeodora Sulda sa wikang Minenuvu; Wennielyn Fajilan ng Romblon sa wikang Asi; Fatima Jean Corona ng Cebu sa wikang Bol-anon; Eddie Rosete ng Davao sa wikang Bagobo Klata; si Felipe Lumiwes sa wikang Agta at Kankanaeg; si Julieto Burgos Dalagma Matigsalug ng Davao sa wikang Manobo Matigsulug; sina Rosario Cabardo at Jhonil Bajado ng Samar sa wikang Waray.
Patunay na walang pinipiling edad ang aktibidad ng natatanging mga estudyanteng nagpresenta, na sina Gray Bediones at Angelica Canlas mula Pampanga gamit ang wikang Kapampangan.
Samantala, magsisimula ang summit proper ngayong araw na dadaluhan ni Sen. Loren Legarda na kabilang sa nagtaguyod sa proyektong ito ng KWF at siya ring maghahatid ng susing talumpati.
Nakatakdang magkaroon ng Lakbay Kultural sa Laguna ang mga delegado bukas, huling araw ng summit.
( Kimbee Yabut )