LOS BAÑOS, LAGUNA – Hinimok ni Dr. Victor Emmanuel Nadera Jr., director ng Philippine High School for the Arts (PHSA), ang DepEd na pagtuunan ng pansin ang edukasyong nakabatay sa kultura o culture-based education.
Masiglang tinanggap ni Nadera ang mahigit 150 delegadong dumalo sa pormal na pagbubukas ng Pambansang Summit sa Wika ng Kalikasan at Kaligtasan, na ginanap sa PHSA kahapon ng umaga.
Sinisi ni Nadera ang pagiging ‘sibilisado’ natin, na dahilan at ang ilan sa mga Filipino ay ikinahiya ang mga katutubong wika at kultura.
Aniya, pilit na inilayo ng pagiging sibilisado ang mga Filipino sa pagiging totoong Filipino at iniharap sa banyaga’t kanluraning pamumuhay.
“Sana ang edukasyon ay hindi maglalayo sa atin sa totoo nating pagkatao. Ang edukasyon na tinatawag nating nakabatay sa kultura ang sana ay ipatupad ng DepEd” ani Nadera.
Malaki rin ang inaasahan ni Nadera kay DepEd Secretary Leonor Briones, na ayon sa kanya ay isang alagad ng sining.
Panawagan ni Nadera na sana’y hindi tumigil si Briones sa pagmamahal niya sa sining at musika, bagkus ay palawakin pa ito.
“Sana isipin niya ang kapakanan ng pagbubuo sa Filipinas sa pamamagitan ng edukasyon,” pagtatapos ni Nadera.
ni Kimbee Yabut