SINAMPAHAN ng kaso sa Deparment of Justice (DoJ) ng dalawang dating opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Senador Leila De Lima at dating NBI Deputy Director Rafael Ragos ng paglabag sa Section 5 ng RA 9165 (Dangerous Drugs Act ).
Personal na pinanumpaan sa DoJ nina dating NBI deputy directors Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala ang kanilang reklamo laban sa dati nilang boss na si De Lima at dating katrabaho sa NBI na si Ragos.
Tinawag ng mga complainant si De Lima bilang “Mother of all drug lords” sa pamamagitan nang paggamit ng kanyang kapangyarihan para makapagtalaga ng mga tauhan sa New Bilibid Prison (NBP) para masigurong tuloy-tuloy ang illegal drug trade sa loob.
Inilinaw ng dalawa, hindi sa sama ng loob o paghihiganti ang dahilan nang pagsasampa nila ng reklamo laban kay De Lima makaraan silang tanggalin sa puwesto sa NBI noong 2014.
Magugunitang naunang nagsampa ang Volunteers Againts Crime and Corruption (VACC) ng kasong paglabag sa Dangerous drugs Act laban kay Sen. Leila De Lima at iba pang personalidad na sinasabing dawit at nakinabang sa drug money mula sa Bilibid.
( LEONARD BASILIO )