SUGATAN ang 39 preso at apat jailguards nang maglunsad ng noise barrage na nauwi sa riot sa loob ng Manila City Jail sa Sta. Cruz, Maynila kahapon.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng noise barrage ang mga preso sa Dorms 9 at 10 ng Batang City Jail upang igiit na palitan si jail warden Supt. Gerald Bantag dahil hindi nila gusto ang pamamalakad sa nasabing piitan.
Partikular na tinutulan ng mga preso ang bagong polisiya ni Bantag na ihiwalay ang drug suspects sa ibang preso, at nagbantang sila ay papatayin.
Napag-alaman, umakyat ang mga preso sa bubong ng piitan, binaklas ang isang yero saka pinintahan ng katagang “Palitan si Warden, Pahirap sa mga preso!”
Sinikap silang patigilin ng jail guards na humantong sa karahasan at nagresulta sa bahagyang pagkasugat ng 39 preso at apat jailguards.
May tatlong putok ng baril na narinig sa loob ng piitan na nagsilbing warning shot upang patigilin ang mga kaguluhan.
Natigil lamang ang kaguluhan dakong 12:00 pm nang magresponde ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) – Special Weapons and Tactics (SWAT) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) units.
Inamin ni Bantag na siya ang nag-utos nang paghihiwalay ng mga sangkot sa droga sa ibang mga preso, at siya ang nagpaputok ng warning shots upang mapatigil ang kaguluhan.
Samantala, inilinaw ng BJMP, ang pagbubukod sa mga inmate na sangkot sa illegal drugs ay upang isailalim sila sa therapy programs, physical fitness programs, counseling, at spiritual enhancement activities.
ni LEONARD BASILIO