ITUTULAK ng administrasyong Duterte ang pagpapalawig ng ceasefire sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng komunista para maging joint at permanente ito mula sa unilateral at indefinite na kasunduan sa layuning mawakasan na ang insurgency sa bansa sa nakalipas na limang dekada.
Ito ang inihayag ni labor secretary at chief peace negotiator Silvestre ‘Bebot’ Bello III sa lingguhang Kapihan sa Manila Bay media forum sa Café Adriatico sa Ermita, Maynila, sa pagtalakay ng usapin ukol sa pagpapatuloy ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front (NDF) sa Oslo, Norway.
Ayon kay Bello, nagpapasalamat siya sa desisyon ng NDF na palawigin sa indefinite na panahon ang isang-linggong ulilateral ceasefire para makatulong sa pagpoproseso ng kapayapaan at makamit ang isang kasunduan sa loob ng isang taon ngunit mas makabubuti umano sa magkabilang panig kung mapalalawig ito sa magkatuwang at permanenteng paraan.
“The resumption of the negotiations is ‘a leap of faith’ after the last one in 2011,” diin ng dating kinatawan ng Una Ang Barangay Ating Paunlarin (1-BAP) party-list.
“But no matter how difficult it is, we choose to believe and today, we start receiving the dividends of that faith. Our agreements reached during this round of talks should tell us how far can our faith bring us and what we can achieve together,” dagdag ng kalihim.
Napagkasunduan sa Oslo peace talks ang anim na usapin na tutulak sa negosasyon.
Bukod sa desisyon ng NDF para sa indefinite ceasefire, pinagtibay muli ng magkabilang panig ang mga dating kasunduan, kabilang ang The Hague Joint Declaration noong 1992, ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) noong 1996, at ang Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) noong 1998.
Nagkasundo rin ang pamahalaan at NDF na balangkasing muli ang listahan ng JASIG, na ilalagay sa isang encrypted file at maglalaman ng mga larawan at pagkakakilanlan ng mga consultant ng NDF para magkaroon ng ‘immune-to-arrest’ status habang isinasagawa ang peace negotiations.
Pinagkasunduan din ang pagbuhay sa joint monitoring committee, ang pagsusumite ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagpapalabas ng Amnesty Proclamation, sa ilalim ng concurrence ng Kongreso, para sa mga inaresto, ikinulong at kinasuhang mga miyembro ng NDF.
ni Tracy Cabrera