SA sandaling nalinaw na ang susunod na magiging hakbang, alin man kung magpapadala ng imbitasyon ang DFA o Malacañang, kapag na-transmit na ito saka sisimulan ang consultation process, ayon kay foreign affairs assistant secretary at spokesperson Charles Jose ukol sa isasagawang imbestigasyon sa sinasabing mga extrajudicial killing (EJK) sa bansa.
Wala umanong specific date kung kalian dadalaw ang mga kinatawan ng United Nations (UN) a European Union (EU) sa Filipinas kasunod ng imbitasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago mangyari ito, kailangan munang magkaroon ng terms of reference o protocol ang pamahalaang Pilpinas, ang EU at UN para sa pagdalaw at isasagawang imbestigasyon sa tinaguriang mga rights abuse at vigilante killing sa kamnpanya laban sa iligal na droga ni Pangulong Duterte.
Kabilang sa gagawing konsultasyon ay ang espesipikong panahon ng pagdalaw, ang mga taong iimbestigahan at mga lugar na dadalawin ng mga kinatawan ng EU at UN.
“Hindi ito one-way street. Magkakaroon ng two-way discussion, mga konsultasyon at sa huli, magkakasundo ang magkabilang panig sa terms of reference. Ito ang naitakdang protocol na kailangang sundi,” ani Jose.
Nitong nakaraang linggo, ipinagutos ni Pangulong Duterte kay executive secretary Salvador Medialdea na ihanda ang imbitasyon para sa EU at UN, at maging kay United States President Barack Obama para dumalaw at magsagawa ng imbestigasyon sa Pilipinas sa kondisyong tatanungin din sila ukol sa usapin ng punong ehekutibo sa isang open forum.
ni Tracy Cabrera