AMMAN, Jordan — Manyakis siguro ang kongresista na nakaisip panoorin sa House of Representatives ang sinasabing “sex video” ni Senator Leila De Lima. Kundi man siya manyakis ay siguradong napakalaking tililing niya sa ulo.
Linawin ko lang na hindi ko ipinagtatanggol itong si Sen. De Lima. Katunayan ay naniniwala nga akong may pananagutan siya sa paglaganap ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).
Pero sigurado akong hindi kailanman makatutulong ang ano mang uri ng sex video sa pagbuo ng batas. Hindi na kailangan ang sex video sa isang respetadong institusyon na katuad ng HOR para lang makabuo ng batas.
Ang sex video ay maaaring makatulong lamang sa pagpaparaos ng kamanyakan. O sa pagbuo ng bata! Sus, ginoo!
Kung sino ka mang hindoropot na miyembro ng HOR ay magbitiw ka na lang sa iyong puwesto.
Dahil kamunduhan lang ang alam mong gawin, bugok!
Alamin!
***
Saludo ako sa kabutihan at kasipagan nitong overseas Filipino workers (OFWs) na sina Relyn Balbaloza, Sheryl Oquendo at Adora Agorita. Hanga ako sa kanilang pagmamalasakit sa kapwa OFWs.
Itong sina Balbaloza, Oquendo at Agorita, mga padrino, ay household service workers (HSWs) na nakaranas ng kalupitan sa kamay ng kani-kanilang mga employer at napilitang tumakas para sumilong sa Bahay Kalinga ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Dati silang distressed workers na nagkaproblema sa employers, gaya ng hindi binibigyan ng tamang sweldo at iba pang kalupitan.
Habang nasa pangangalaga ng OWWA, nadiskubre ng ilang recruitment agency owners ang kanilang kahusayan sa office works at kasipagan kung kaya’t inalok sila ng trabaho. Nabigyan sila ng pagkakataong makapagtrabahong muli at hindi na bilang HSWs kundi bilang pink-collar workers, ‘ika nga.
Sina Balbaloza (tubong Lal-lo, Cagayan), Oquendo (mula sa lalawigan ng Iloilo) at Agorita (mula naman sa Naga City, Camarines Sur) ay mga liason officer na ng iba-ibang recruitment agencies dito. Sila ang nag-aayos ng papeles ng mga Filipina na nare-recruit ng kanilang ahensiya.
Bilang dating distressed workers na nagkaroon ng mapapait na karanasan sa kani-kanilang employers dito, tinitiyak nila na ang lahat ng nare-recruit ng kanilang ahensiya na HSWs ay mailalagay sa matitino at mabubuting employers. Sinisigurado nilang protektado ang workers para hindi maranasan ang kanilang mapait na karanasan.
Wow naman!
Sa kanyang napakabatang edad at kagandahan, si Relyn Balbaloza ay tinatawag na “Nanay” ng kanyang mga alagang HSWs dahil itinuturing niya silangng parang tunay na anak. Sinasabing “brat” ang kanyang mga inaalagaang HSWs dahil ibinibigay niya ang kanilang kailangan.
Hindi rin nagkukulang sina Balbaloza, Oquendo at Agorita na pangaralan at paalalahanan ang kanilang mga alaga para matiyak na sila ay handang-handa na sa pakikipagsapalaran sa kanilang mabigat na trabaho bilang HSWs. Napakaraming mahahalagang bagay ang natutuhan ng workers sa kanila.
Dahil sa pagmamalasakit nina Balbaloza, Oquendo at Agorita, nakatitiyak na ang kanilang nakukuhang Filipina worker ay protektado ang mga karapatan. Protektado ang kanilang kapakanan.
Mabuhay kayo Relyn Balbaloza, Sheryl Oquendo at Adora Agorita!
Sana ay dumami pa ang tulad ninyong Pinay na may ginintuang puso na nagmamahal at nagmamalasakit sa kapwa OFWs.
Abangan!
ASAR TALO – Dodo R. Rosario