MAAARING ikonsidera ng Department of Justice (DoJ) ang hiling ng kampo ng high-profile inmate na si Jaybee Sebastian na mailipat siya ng penal colony.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kung talagang nanganganib si Sebastian sa New Bilibid Prisons (NBP) ay posible nilang pagbigyan ang kahilingan ng abogado ni Sebastian.
Ngunit muling nanindigan si Aguirre na kahit wala ang koordinasyon ni Sebastian ay tatayo ang kaso kaugnay ng paglaganap ng droga sa Bilibid.
Kung magdedesisyon aniya si Sebastian na makipagtulungan sa gobyerno, dapat walang kondisyon at magsasabi siya nang buong katotohanan.
Ipinagtataka ni Aguirre kung bakit may komunikasyon si De Lima sa kaanak ng mga preso makaraan aminin kamakailan na tumatawag sa kanya ang misis ni Sebastian.
Sa ngayon, ayaw pa muna niyang pangalanan ang mga ihaharap na mga testigo sa susunod na pagdinig ngunit kasama aniya rito ang mga police officer at mga inmate na magpapatunay na aabot sa P300 milyon ang nasamsam sa Bilibid raid noong Disyembre 2014.
( LEONARD BASILIO )