PATAY ang tatlong lalaking hinihinalang tulak ng droga sa ikinasang magkahiwalay na buy-bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Binondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga napatay na sina Roldan Amora, 35; Reynaldo Agrigado, nasa hustong gulang, at Raffy Sardido, 31-anyos.
Habang arestado ang kasamahan nilang sina Guillermo Gonzales Jr., 38; Dennis Relago, 43; Ochie Delos Santos, 23, at Igmedio Cataluna, 38-anyos.
Ayon sa ulat, sa ikinasa ang magkahiwalay na operasyon sa nabanggit na lugar pero nakatunog ang mga suspek kaya nakipagpalitan ng putok sa mga pulis na nagresulta sa kanilang pagkamatay.
( LEONARD BASILIO, may kasamang ulat ni Julyn Formaran )
TULAK PATAY, PARAK SUGATAN SA BARILAN
PATAY ang isang lalaking sinasabing sangkot sa ilegal na droga habang sugatan ang isang pulis makaraan ang palitan ng putok sa ikinasang drug bust kamakalawa ng hapon sa Navotas City.
Kinilala ang napatay na si Glenly Royo, alyas Kiko, nasa hustong gulang, ng Blk. 39-C, Phase 2, Area 2, Maliputo, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS).
Habang ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tama ng bala sa kaliwang hita si PO1 Ryan Mones, nakatalaga sa Navotas Police Community Precinct (PCP)-4.
Sa imbestigasyon nina PO3 Joemir Juhan at PO2 Paul John Hallare, dakong 3:30 pm nang maganap ang insidente sa Malipunto St. sa nabanggit na lugar.
( ROMMEL SALES )
BEBOT ITINUMBA NG TANDEM
PATAY ang isang babae makaraan pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar mula sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), kinilala ang napatay na si Romeleta Ang, 30, residente ng 44 Sampaguita St., Brgy. Holy Spirit ng nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, dakong 3:00 am habang naglalakad si Ang sa Commonwealth Avenue partikular sa harap ng St. Peter Cathedral, kasama ang kapatid na si Jessie, 21, nang dumating ang dalawang suspek na lulan ng isang motorsiklo at siya ay binaril sa ulo at katawan.
Inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa droga ang pagtumba kay Ang.
( ALMAR DANGUILAN )