UMAKYAT na sa 97 pulis at non-uniformed personnel ang nagpositibo sa isinasagawang random drug testing ng PNP.
Ayon kay PNP spokesperson, Senior Supt. Dionardo Carlos, sa nabanggit na bilang, 91 dito ang PNP personnel habang anim ang Non-uniformed Personnel (NUP).
Sa pinakahuling datos mula Hulyo 1 hanggang Setyembre 16, umabot sa 135,393 personnel ang sumailalim sa random drug test ng PNP.
Kaugnay nito, isasailalim ang 97 sa confirmatory drug testing para matiyak na gumagamit sila ng ilegal na droga.
Kasunod nito, isasailalim sa dismissal proceeding ang mga pulis na magpopositibo sa confirmatory test.
8 PULIS SINIBAK SA EXTORTION VS DRUG PUSHERS
SINIBAK sa puwesto ang walong pulis na nakatalaga sa National Capital Region Police Office-Regional Anti-Illegal Drugs (NCRPO-RAID) kasunod nang pagkakadakip sa entrapment operation ng kanilang kasamahan sa kasong extortion sa nahuling mga drug pusher sa Caloocan City kamakailan.
Kinompirma ni acting NCRPO director, Chief Supt. Oscar Albayalde ang pagkasibak sa puwesto nina SPO4 Dalmacio Robillon, PO3s Noel Clarit, Goinel Lucero; PO2s Franklin Menor, Arie Jade Briones, Marco Canas; PO1s Nelson Villas, at Jowelle Del Rosario, pawang nakatalaga sa NCRPO-RAID.
( JAJA GARCIA )