AMMAN, Jordan — Sa tinaguriang “Awarding Night” ng Filipino Organization (FilOrg) na ginanap noong Biyernes, Setyembre 16, sa Orchids Hotel dito, kinuha nitong isang nagngangalang Dionisio C. Daluyin, Jr., ang mikropono sa emcee at galit na sumigaw ng “Nakikiusap ako sa inyo!”
Nagulat kaming lahat sa kanyang inasal. Natahimik ang lahat at nagtaka kung bakit siya sumigaw nang ganoon kalakas gamit ang mikropono sa isang maliit lamang na kuwarto sa naturang otel na puno ng tao.
Si Daluyin, ang presidente raw ng grupong nagpapakilalang Bantay at Kasangga ng OFW Int’l, Inc. Isinama niya ang kanyang grupo sa FilOrg na pinamumunuan ni Tessie “Tikboy” Superio.
At tinangka niyang agawin ang puwesto ni Superio sa isang “snap election” daw na ginanap sa kanyang bahay noong Hulyo, habang nasa ibang bansa ang FilOrg president. Tinulungan siya ng isang nagnangalang Marjorie T. Majorenos sa pag-agaw sa puwesto ni Superio.
Ang inasal nitong Jun Daluyin sa kanila mismong okasyon na dinaluhan ng napakaraming bisita ay pagpapakita lamang ng kanyang pagiging butangero at walang disiplina. Pinatunayan niyang wala siyang respeto sa okasyon, mga bisita, miyembro at mismong organisasyon niya dahil sa kanyang kabastusan.
Ala, e, pwede namang kausapin nang mahinahon at malumanay ang mga taong naroroon na hindi na kailangan pang bulyawan sila gamit ang mikropono!
Ito ba ang taong dapat mamuno sa inirerespeto kong grupo ng FilOrg? Tao nga bang maituturing ang ganyang ugali? Nagtatanong lang po!
Alamin!
***
Nakalulungkot na walang Philippine government official ang dumalo sa okasyon nitong FilOrg noong Biyernes.
Ang mga opsiyal, lalo na si Ambassador Junever Mahilum-West, ay inimbita para magtalumpati sana sa naturang “Awarding Night” ng FilOrg pero hindi siya nakadalo. Hindi rin siya nagpapunta ng kanyang kinatawan para magbigay ng kanyang talumpati.
Wala rin nakapunta sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) na kinumbida rin para lalong sumaya ang okasyon. Pero wala ring nagpunta sa kanila.
Hindi ko bibigyan ng kahulugan ang hindi pagdalo ng kahit sinong Philippine government official doon dahil hindi ko naman alam kung ano ang kanilang mga dahilang ibinigay.
Pero alam kong itong si Marjorie T. Majorenos, na dating spokesperson ng FilOrg ay siyang natukoy na pinagmulan ng kumalat na post sa social media Facebook na namatay ang isang ward sa POLO dahil daw ‘pinabayaan’ ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Masakit ang paratang sa naturang post dahil nagsakripisyo ang lahat sa POLO at OWWA para tulungan ang naturang worker na namatay dahil sa malalang sakit sa atay. Kumilos ang OWWA at inasikaso nang husto ang yumaong worker.
Bukod sa OWWA, pinagalitan din nitong si Majorenos ang dalawang embassy staff na kanyang inakusahang ‘pinabayaan’ ang worker! Sus, ginoo!!
Napakalaking kasinungalingan ang ginawa nitong si Majorenos na lubhang nakaapekto sa ating government agencies dito.
Binastos niya ang ating government officials. Ginago niya ang mga opisyal na dapat sanang inirerespeto ng ating kababayan lalo na ng OFWs.
Kinumbida ba ng FilOrg ang ating government officials para lang bastusin ni Majorenos nang harapan?! Nagtatanong lang po uli!
President Superio, disiplinahin mo naman sana ang iyong mga miyembro lalo na itong si Marjorie T. Majorenos na isang napakalaking bukbok sa iyong FilOrg! Sibakin mo ang tulad niyang nanggugulo sa organisasyon!
Abangan!
***
Para sa komentaryo: [email protected]
ASAR TALO – Dodo R. Rosario