NAGKASA ng “Oplan Tokhang” sa isang exclusive subdivision ang mga operatiba ng Muntinlupa City Police at tinatayang 100 kabahayan ang inikot ng mga awtoridad kahapon ng umaga sa nasabing siyudad.
Ayon kay Sr. Supt. Nicolas Salvador, hepe ng Muntinlupa City Police, nagsimula silang magpatupad ng “Oplan Tokhang” sa Ayala Alabang Village sa nasabing siyudad dakong 11:00 am kahapon.
Kasama ang presidente ng homeowners association ng Ayala Alabang Village na si Tony Laurel at mga opisyal ng barangay nang isagawa nila ang naturang operasyon.
Binigyan ang mga residente sa nasabing subdibisyon ng leaflets kaugnay sa kampanya kontra droga.
Matatandaan, noong 2015, ilang beses sinalakay ng pulisya ang naturang subdivision nang matuklasan ang mini-shabu laboratory na ino-operate ng ilang dayuhang nangungunapahan dito.
Nahuli rin sa naturang subdivision ang tinaguriang “Ayala Alabang Boys” makaraan makompiskahan ng kilo-kilong shabu ilang taon na ang nakalilipas.
Ngunit makaraan ang ilang taon paglilitis ay pinawalang sala sila ng korte.
( JAJA GARCIA )