LIMA sa 11 police stations o presinto sa ilalim ng Manila Police District (MPD) ay wala umanong nakikitang aktibididad o trabaho sa lahat ng aspekto.
Para bang imbalido at walang silbi sa trabahong pulis sa hanay ng kanilang mga kabaro at mamamayan.
Ang limang presintong tinutukoy dito ay MPD-PS 4, MPD-PS 5, MPD-PS 8, MPD-PS 9 at PS 10.
Malayo ang performance ng mga pulis na naka-detail sa mga nasabing estayon kompara sa accomplishments ng mga pulis sa ibang police stations.
Sa MPD Sampaloc station (PS4), wala yatang ibang ginagawa kundi papasukin ang mga gambling lord (GL) at mga maintainer ng video karera machines at bookies ng karera sa kanilang baluwarte as long as the price is right?
Basta pasado at aprub kayo sa listahan ni bagman Tata Ver Tangkad ang umano’y enkargado ng nasabing presinto.
Ganoon din daw ang PS-5 sa Luneta lalo sa kanilang tabakuhan sa Paco at Paz. Hindi rin makalusot sa kanila ultimo mga kutsero ng karitelang pumapasada sa Intramuros at Luneta, may tara kada isang Linggo.
Wala rin daw naiba sa PS-8, PS-9 at PS-10, iisa rin ang estilo.
Sa Presinto 10 nga raw ay halos hindi na nakikita ang kanilang hepe sa kuwarto niya?
Ginagawa na lang daw tambayan ng mga operatiba ng Anti-Crime Unit na pinamumunuan ni Tata MOTMOT?!
Malayong-malayo sa PS1, PS2, PS3, PS6 at PS7 na talagang napapansin at nakikita ang mga naging trabaho.
Maging sa hitsura at ganda ng ayos ng estasyon ay malayo kayo, mas lalo na sa tikas at tindig ng mga operatiba.
Napapansin lang naman ng mga kapwa pulis ninyo ‘yan mga sir. Siguro naman ay hindi palaging ganyan ang situwasyon diyan.
Galaw-galaw lang
DOH-MIMAROPA
TUMULONG INAMTES
NG SABLAYAN
PENAL COLONY
Gaano man kalayo sa sibilisasyon at kabihasnan ay pinilit makarating ng isang grupo ng health workers ng Department Of Health (DOH) MIMAROPA sa Sablayan Penal Colony sa Sablayan, Occidental Mindoro dahil sa nababalitang ilang inmates ang namamatay dahil sa TB o Tuberculosis.
Maaari ngang hindi ito napag-uukulan ng pansin o panahon dahil nga sa layo ng lugar na piso na lang ‘ata ang kulang ay langit na.
Isa pang tinitingnang dahilan ng DOH-MIMAROPA, ang nasabing kolonya ay nasa pangangalaga ng Department of Justice (DOJ) kung kaya’t ano man ang mangyari, ang nasabing ahensiya ang dapat manguna o di kaya’y magbigay ng impormasyon sa kinauukulan.
Pero hindi ito naging sagabal sa grupo ng health workers at mga dalubhasa na pinamunuan ni MIMAROPA Regional Director Dr. Ed Janairo na agad nagtungo sa nasabing lugar, hindi para sa kapakanan ng kung anong ahensiya, kundi sa kapakanan ng mga taong nangangailangan ng agarang lunas ng nakakamatay na sakit.
Dala-dala ang mga gamot at instrumento sa medisina, agad ineksamin ng grupo ni Dr. Janairo ang hindi kukulangin sa 1,200 inmates ng Sablayan Penal Colony. Maging ang datos ng mga naging biktima ng tuberculosis ay DOJ lang ang may karapatang mag-labas o magsapubliko nguni’t hindi ito ang importante, sabi ni Janairo.
Bukod sa TB ay napag-alaman rin natin na halos lahat ng mga preso rito ay may skin disease o sakit sa balat na maaaring sanhi ng init, dumi at congestion.
Upang makaiwas ay binigyan lahat ng inmate ng personal hygiene kit na naglalaman ng toothbrush, toothpaste, sabon, tuwalya at alcohol.
At para mapabilis ang pagpasok sa kolonya na talaga namang ubod nang estrikto sa kanilang patakaran ay sinamahan ni Sablayan Mayor Ed Gadiano ang grupo ni Dr. Janairo.
Ang munisipalidad ng Sablayan ang pinakamalaki sa buong bansa na may land area na 218,000 hectares na ‘di hamak na mas malaki sa probinsiya ng Cavite.
Sa lawak nito ay naglaan si Dr. Janairo ng P15 milyon na dinagdagan ni Mayor Gadiano ng 5 milyon upang ipatayo ang Sablayan hospital para sa mga residente. Dit rin ipagagamot ang inmates kung kinakailangan dahil mas malapit sa lugar.
Binabati natin sina Dr. Janairo at Mayor Gadiano sa kanilang ipinamalas na malasakit at tulong sa mga residente ng Sablayan, Occidental Mindoro na tinaguriang pinakamalaking munisipalidad sa buong bansa.
Mabuhay kayo!
YANIG – Bong Ramos