CAMP OLIVAS, San Fernando City – Arestado ang pitong Chinese national, kabilang ang isang babae, sa pagsalakay ng mga operatiba ng PDEA at Central Luzon PNP sa tinaguriang underground shabu lab kahapon sa Magalang, Pampanga.
Sa bisa ng search warrant na nilagdaan ni Executive Judge Johnmuel Mendoza ng RTC Cabanatuan, nilusob ng mga operatiba ang laboratoryo sa Brgy. San Ildefonso ng nasabing lugar, nagresuta sa pagkahuli sa pitong Tsino na sina Wang Shi Jua, 42, ng Yunan; Philling Wang, 31, ng Fujan; Alvin Wang, alyas James, 41, ng Xiamen; Lu We Chang, 28, ng Xiamen; Xiapo Xiang, 25, ng Fokien; Sonnny Sy, 48, ng Fujian, pawang ng China, at isang alyas Susan, asawa ni Alvin Wang, kasalukuyang isinasailalim sa costudial investigation ng PDEA.
Ayon sa report, sumuko sina Sy at Xiang sa mga operatiba makaraan ang isang oras nang salakayin ang nasabing shabu lab, habang naaresto ang limang iba pa.
Sinabi ng PDEA, ang naturang lugar sa bisinidad ng 3.5 ektaryang piggery farm sa Sitio Balitucan ang ginagamit sa pag-eeksperimento at paggawa ng high grade shabu.
Patuloy ang paggalugad ng mga awtoridad sa nasabing underground shabu lab sa nasabing lugar at iniimbentaryo ang mga kagamitan at iba pang kasangkapan na may kinalaman sa droga.
( RAUL SUSCANO )