AMMAN, Jordan—Dapat imbestigahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang naging partisipasyon ng isang opisyal ng Philippine Embassy sa caregiving course project ng isang organisasyon ng overseas Filipino workers (OFWs) dahil napakaraming nabiktima ng proyekto.
Sa naturang proyekto ng Federation of Filipino Associations in Amman (FEFAA), pinaniwala ng presidente nito na nagngangalang Luciana M. Obejas, ang OFWs ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng isang TESDA personnel na si Francis Lara Rugnao.
Siyempre, agad naging interesado ang OFWs dahil kapag ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang magsasagawa ng training ay madali silang matatanggap sa trabaho na mas malaki ang suweldo kung ikukumpara sa household service worker (HSW).
Tila nakarating sa kaalaman ni Ambassador Junever Mahilum-West ang tungkol sa proyketo kaya nag-post siya sa kanyang social media Facebook account ng paglilinaw na walang kinalaman ang embahada at ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) o ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa proyekto ng FEFAA.
Dahil may mga nag-react sa naturang post ni Ambassador Mahilum-West, napilitan din mag-post si Obejas ng sarili niyang paglilinaw na ang kanyang proyekto ay pribado at hindi sa ilalim ng TESDA.
Pero sinabi rin niya na humingi siya ng tulong sa isang opisyal ng embahada para mapadali ang pagpunta rito sa Amman ng “TESDA personnel” para sa naturang proyekto. Tila nautal ang isip nitong hindoropot na Obejas dahil nagkontra ang kanyang paliwanag at lumabo!
Ang embassy official ang tumulong kay Obejas na kumausap kay Labor Attaché Florenda Herrera para pumayag na gawin sa POLO ang orientation ng proyekto. Pumayag si Labatt Herrera, dahil pinagbigyan niya ang embassy official at hindi niya alam na niloloko pala nitong si Obejas ang mga OFW. (Kung alam lang ni Labatt Herrera na siningil din ni Obejas ng tig-20 Jordan dinar ang mga estudyante para lang sa orientation, ‘e hindi niya papayagang magamit ang POLO dahil libre lang ang paggamit ng POLO).
Nadiskubre na itong si Francis Lara Rugnao, na sinabi ni Obejas na “TESDA personnel” ay hindi konektado sa TESDA at walang karapatang magsagawa ng training sa caregiving course. Siya ay pekeng “TESDA personnel.”
Dahil nga pinalitaw ni Obejas na TESDA sanctioned ang kanyang proyekto ay mahigit 70 OFWs ang nagpa-enrol sa kanyang proyekto kabilang na ang 36 sa caregiving course. Siningil niya ng napakalaking halaga ang bawat estudyante na nagulat nang si Rugnao ay biglang tumakas at bumalik sa kanyang lungga sa Bahrain dahil nabubuking na siya ng nagdududang mga estudyante.
Malinaw na niloko nitong si Obejas ang OFWs at tinulungan siya ng embassy official dahil sa direktang partisipasyon sa proyekto. Nag-post pa nga ang embassy official sa kanyang sariling Facebook account na ine-endoso niya si Rugnao dahil nagpasalamat siya rito na tinawag pa niyang “TESDA idol.”
Dahil nga tumakas si Rugnao at iniwan ang kanyang mga estudyante sa ere, e, walang pumirma sa diploma o certification nila na sila ay nagtapos sa kursong inialok ng FEFAA.
Naging kaawa-awa ang mga caregiving course students dahil walang Philippine government official na dumalo sa kanilang graduation ceremony. Ayon sa source, tumanggi si Ambassador Mahilum-West na pirmahan ang kanilang katibayan ng pagtatapos.
Kaya dapat lang na imbestigahan ng DFA ang naging partisipasyon ng embassy official sa maituturing na “grand scam” na nangbiktima sa OFWs na obligasyon nilang protektahan. Alamin na rin ng DFA kung mayroong partisipasyon sa grand scam si Ambassadro Mahilum-West dahil hindi niya inaksiyonan ang kanyang opisyal na tumulong kay Obejas sa kabila ng kanyang pahayag na walang kinalaman ang kanyang embahada sa proyekto.
At dapat rin kanselahin ang pasaporte nitong hindoropot na si Luciana M. Obejas, at hindi na pahintulutang makapangibang-bansa para hindi na siya makapanloko ng OFWs na tinagurian nating mga Bagong Bayani.
Kilos po, DFA Sec. Perfecto Yasay, Jr.!
Abangan!!!
***
Para sa komentaryo: [email protected]
ASAR TALO – Dodo R. Rosario