ALIN kaya sa six finalists ng 1st ToFarm Film Festival ang kauna-unahang makapapasok sa isang international film festival?
Ang Paglipay kaya na nagwaging Best Picture, o ang pumangalawa rito na Pitong Kabang Palay? Puwede rin kayang ang kakaibang Papauwi Na na binigyan ng Special Jury Award?
“Ang pagsa-submit ng anim na entries sa angkop na international film festival ang isa sa mga pinagkakaabalahan namin sa ngayon habang naghihintay kami ng bagong entries,” lahad ni festival director Maryo J. delos Reyes noong media launch ng magiging 2nd ToFarm Film Festival next year.
Ang mapasali sa mga international festival ay isa lang sa mga layunin ng ToFarm Film Festival para makilala rin ang bansa bilang source ng mga pelikulang nagtataguyod ng kapakanan ng farmers sa bansa. Tiyak na magiging dagdag na karangalan at inspirasyon din para sa ating filmmakers na nagwagi at magwawagi sa ToFarm Film Festival kapag napalahok sa international film festival ang mga obra nila.
KITANG-KITA KO – Danny Vibas