MAGIGING gentleman-farmer na rin sa Bohol si Direk Maryo J. delos Reyes. At ang pasya n’yang ito ay inspired ng involvement n’ya sa ToFarm Film Festival bilang festival director.
“Noong ibinalita ko kay Dr. Mila How (festival founder ) na gusto ko na ring i-develop into a farm ang propert y namin doon, siya mismo ang nag-offer na tutulungan n’ya ako na gawing demonstration farm ang property namin doon,” pagtatapat ni Direk Maryo ss media launch ng 2nd ToFarm Film Festival na idinaos sa isang bahagi ng Mactan Ballroom ng Shangri-la Hotel sa Edsa. Si Dr. How ay ang executive vice president ng Universal Harvester, Inc., isang kompanya ng farm supplies (including fertilizers) na siyang pangunahing sumusuporta sa ToFarm Film Festival.
Sa July next year pa ang pangalawang ToFarm Festival, pero inia-announce na ‘yon ngayon para magsimula nang bumuo ng concept at script ang mga gustong sumali. Sa November 2016 pa naman ang deadline ng script submission, at sa January 2017 pa ia-announce ang anim na film projects na popondohan ng Universal Harvester ng tig-P1.5-M bawat isa para iprodyus ang pelikula.
Ang “gentleman-farmer” ay ang ‘di pahambog na tawag ngayon sa mga asendero at asendera, rantsero at rantsera. Napaka-capitalistic at feudal kasi ng mga tradisyonal na tawag sa mga may lupain na ipinadasaka sa mga manggagawa. Padalaw-dalaw lang sa farm nila ang mga gentleman farmer, hindi sila naninirahan doon, at may iba pa silang trabaho o propesyon sa syudad. Maaari ngang may iba pa silang negosyo sa lunsod.
Sa kaso ni Direk Maryo, inaamin naman n’yang ang paggawa ng pelikula o teleserye ang greatest love n’ya. Pero dahil nga sa involvement n’ya sa ToFarm Film Festival, mas tumitindi sa kamalayan n’ya ang kahalagan ng agrikultura sa ating bansa. At para maka-contribute siya sa pag-unlad ng agrikultura kaya gusto n’yang maging gentleman-farmer.
KITANG-KITA KO – Danny Vibas