MURA AT KALIDAD.
Ito ang iginagarantiya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa kanilang proyekto na Aklat ng Bayan.
Kasabay ng patuloy na pagdiriwang ng KWF sa Buwan ng Wika na may temang “Filipino: Wika ng Karunungan” ay opisyal na inilunsad ang matagal nang pangarap ng komisyon na “Aklatan ng Karunungan” o ang Aklat ng Bayan.
Malaki ang naitutulong ng Aklat ng Bayan sa mga mambabasang Filipino, bunga ng paglilimbag ng mga aklat pang-ortograpiya, pangkultura, at mga klasikong akdang isinalin sa wikang Filipino.
Unang inilunsad ang naturang proyekto noong 2013 nang umupo si Ginoong Virgilio S. Almario bilang tagapangulo ng KWF.
Pinasimulan ito upang isakatuparan ang pangarap nilang Aklatan ng Karunungan o Library of Knowledge, alinsunod sa 1987 Konstitusyon, na nagsasaad ng pagpapalago ng wikang Filipino sa edukasyon.
Ani Binibining Louise Adrianne O. Lopez, junior editor ng Aklat ng Bayan, bukod sa nasusulat na adhikain ng proyekto, layon ng programa na maiparating sa mas maraming mambabasang Filipino ang mga makabuluhan at premyadong akda sa mababang halaga.
Ayon kay Lopez, sinadyang ibenta ang mga aklat sa ganitong halaga upang maging abot-kaya ng masa. Sa kabila ng murang halaga ng mga aklat, sinisiguro ng mga manunulat, tagasalin, at editor sa komisyon na de-kalidad ang mga akdang inililimbag nila taon-taon.
Nasisiguro ng mga kawani ng KWF na wasto ang paggamit nila ng wika sa mga akda, sa-pagkat dumaraan ito sa pagsusuri ni Tagapangulong Almario. Bukod dito, sinisiguro ng tagapangulo na makatutulong sa mga mambabasa ang lathalain bago ito aprubahan.
Suportado ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining o National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang adhikain ng KWF, ang patuloy na pagpapayabong sa wikang Filipino, kaya tumutulong sa aspektong pinansiyal.
Bukod sa mga aklat pang-ortograpiya, mga kuwento mula sa mga panitikang katutubo, manwal, atlas, at mga klasikong akdang isinalin sa Filipino na maaari nang mabili sa KWF, maraming kaabang-abang na proyekto ang inihahanda ng Aklat ng Bayan para sa susunod na taon.
Sa pagpapatuloy ng pagsasalin ng classics, ay tutuon ang Aklat ng Bayan sa mga pananaliksik sa iba’t ibang kultura at wikang etniko.
Dagdag ni Lopez, dapat abangan ang salin ng obra ni Plato na The Republic, na nakatakdang isalin ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at tagapangulo ng komisyon na si Almario.
“Hinihiling at ipinagdarasal namin na maipagpatuloy ang proyektong ito, magkaroon man ng pagbabago sa pamunuan” ani Lopez.
Umaasa ang komisyon na lalong tumatag ang adbokasiya nitong “Aklat ng Karunungan,” sa tulong ng mga mananaliksik, tagasalin, at manunulat na masigasig na pinangangalagaan ang wikang Filipino.
nina Joana Cruz at Kimbee Yabut