IBINUNYAG ni Region 3 Director General, Chief Supt. Aaron Aquino, sampung mayor at vice mayor ang kasama sa ikalawang listahan ng mga politikong sangkot sa droga sa Central Luzon, kabilang ang lalawigan ng Bulacan.
Kinompirma ito ni Aquino sa dinaluhang panunumpa ng 1,122 drug user at pusher na sumuko sa bayan ng Talavera sa Nueva Ecija at nangakong magbabagong-buhay na.
Tumanggi si Aquino na pangalanan ang nasabing mga opisyal sa listahan na isinumite kay Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sinabi ni Aquino, bukod sa listahan na unang isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nabanggit ang mga mayor ng San Rafael, Bulacan at Mabalacat, Pampanga.
Binanggit din ng regional director, bukod sa 100 pulis na nauna nang tinukoy na protektor ng illegal drugs sa Region 3, may susunod pa aniyang 100 pulis na ipatatapon sa Mindanao.
Ayon kay Aquino, inililipat nila ang nabanggit na mga pulis sa Mindanao upang maihinto ang ilegal na gawain sa rehiyon.
Dagdag ng opisyal, huli na para linisin ng mga politiko ang kanilang pangalan sa pagkakadawit sa droga dahil hawak na ni Pangulong Duterte ang ikalawang listahan ng narco-politicians.
( MICKA BAUTISTA )