HINDI kukulangin sa 50 kubol na nakatirik sa bangketa sa kahabaan ng Antipolo St., sa Tondo, Manila ang kinukuwestiyon ng libong commuters na napipilitan magdaan sa gitna ng kalye dahil sarado ang bangketa dahil sa mga estrukturang ilegal na nakatayo rito.
Tinatayang nasa 100 metro rin ng bangketa na dapat ay nilalakaran ng pedestrian mula sa Severino Reyes St., hanggang sa kanto ng Blumentritt ang basta na lang sinakop ng mga kubol na nakatirik dito.
Sa ating pakikipanayam sa ilang tao na umookupa ng mga kubol, napag-alaman natin na lahat sila ay nagbabayad ng rental fee kada buwan sa barangay sa pangunguna ni Chairwoman Esmeralda Diamond Chua ng Barangay 220 Zone 20 sa Tondo, Manila.
Siya pala ang tumatayong may-ari ng bangketa na dapat ay nasa pangangalaga ng Lungsod ng Maynila!?
Walastik!!!
Sinasabi nila na ang rentang binabayaran nila ay umaabot sa P2,000 hanggang P3,000 isang buwan. Libre pa ang tubig at koryente na parehong naka-tap sa Maynilad at Meralco bilang insentibo umano ni Kapitana na malaki yata ang share of stocks sa mga nasabing kompanya.
Hehehe…‘e hindi ba jumper ang tawag diyan?
Maging hanggang sa palikuran o comfort room ay hindi na kailangan dahil sa lawak ng estero at riles na nasa likod lang ng kanilang kinatitirikan na puwedeng gawing kubeta nila.
Kaya pala laging puno ng basura ang estero riyan?!
Malupit anila si Kapitana lalo na sa singilan ng renta dahil kung hindi nakabayad sa takdang araw ay agad pinalalayas.
Sa pagkakataong ito, sa aking nasaksihan ay mukhang napakabigat ng pangangailangan ni Kapitana Chua dahil mantakin niyong pati raw ang pila ng mga dyip na may rutang Blumentritt – Balut na halos 60 taon nang nananatili sa kanto ng Antipolo at Tomas Mapua St., ay gusto pa rin niyang pakialaman.
Malaki raw ang interes ni Chairwoman sa nasabing pilahan dahil nakikitaan niya ito ng malaking income na dapat ay sa barangay daw niya pumasok.
Sa laki nga raw ng kanyang hangad na mapasa-kanya ang pamamahala ng pilahan ng PUJ, napag-alaman natin na lahat ng abala at perhuwisyo ay ginagawa nito gaya ng clamping at pananakot sa mga driver na walang magawa kundi itigil ang kanilang pamamasada.
Hanep si Kapitana pati pagiging isang law enforcer ay pinapapapelan sa pamamagitan ng pagkompiska ng mga upuan ng mga dyip na kanya rin ipinapatubos sa halagang P300 hanggang P400 sa kanyang barangay hall sa mga pobreng driver na hindi na makapasada ‘e nag-abono pa.
Ipinakita sa atin ni Arnel Peña ang dokumentong nagpapatunay na legal ang lugar ng kanilang pila.
Si Peña ang Presidente ng Blumentrit – Balut Driver Operator Association.
Nakasaad sa isang City Ordinance na niresolba ng konseho, itinakda nila ang nasabing lugar para sa pila o terminal ng mga dyip na may biyaheng Blumentrit- Balut.
Ito ay pirmado ni dating Mayor Mel Lopez.
Kinokontra naman ito ni Kapitana Chua na nagsasabing ilegal ito dahil sagabal daw sa trapiko ang mga dyip na nakahimpil sa nasabing LUGAR.
Ganern?!
Sa sigalot ng dalawang panig ay walang ibang napeperHUwisyo kundi ang riding public at ang mga pobreng driver na walang ibang pinagkukunan kundi ang pamamasada.
Mga sir, madam, ayusin na niNyo ang gusot na ito para sa kapakanan NAng marami at hindi lang para sa inyong sariling interes.
O hihintayin pa ba ninyong si Yorme Erap ang makialam diyan!?
TATA BER TANGKAD
ANG BAGMAN NG MPD PS-4
Marami na raw naasar sa nagpapakilalang bagman ng MPD-PS 4 na si Tata Ber.
Mas masarap pa nga raw umebak kaysa kausapin ang taong ‘yan. Ang daming pinangangakuan pero wala naman tinutupad!
Parehong-pareho raw kayo ng estilo ng amo mong si Boyong Tago!
MALAWAK ANG TABAKOHAN
SA PRESINTO-KUWATRO NG MPD!?
Habang abala si MPD DD Kernel Jigz Coronel sa kampanya laban sa ilegal na droga sa lahat ng distrito sa Maynila ay iba naman ang pinagkakaabalahan ng MPD PS-4.
Pero sa MPD-PS 4 ay parang matamlay ang anti-illegal drug operation nila. May mga info na nakararating sa atin na madalas daw ang ‘bangketahan’ diyan?!
Namumutiktik umano ang malawak na tabakohan ng 1602 o vices sa teritoryo ng presinto kuwago ‘este’ kuwatro.
Sandamakmak ang bookies ng kabayo, STL cum jueteng, video karera at maina ng fruit games na nagunguna sa latagan ang dakilang bagman na pulis Maynila na si Tata Paknoy (?)
Anak ng pusa!!!
Kaya pala haping-hapi si Tata Ber Tangkad sa dami ng ‘butas’ na makokolektong niya?!
Alam mo na ba ‘yan Kernel Jigz Coronel?
YANIG – Bong Ramos