SI Sandino Martin ang nanalong Best Actor sa New Filipino Cinema section ng 2016 World Premieres Film Festival Philippines (WPFFP) na nagtapos noong July 10. Gayunman si Allen Dizon ang masasabing lutang na lutang sa festival. Kasi nga ay dalawa ang entries n’ya sa kompetisyon at siya lang ang aktor na may ganoong distinction sa film event na ‘yon na project ng Film Development Council of the Philippines.
Lead actor si Allen sa papel na paring may naanakang babae sa Iadya Mo Kami at napagbintangang may kinalaman sa pagkamatay ng isang lalaking natagpuang malamig na bangkay sa pasilyo ng simbahan.
Ang beterano at premyadong si Mel Chionglo ang direktor ng pelikula nasa cast din sina Eddie Garcia, Ricky Davao, Aiko Melendez, Diana Zubiri, at Ana Feleo. Gawa ng Baby Go Productions ang pelikula.
Binigyan ng Special Jury Award ang direktor ang Iadya Mo Kami na nagwagi rin ng award na Best Production Design (para kay Edgar Martin Littaua) at Best Musical Score (Emerson Tecson).
Pero may chance pa rin si Allen na manalo ng acting award sa isa pang international film festival. Kasali rin ang pelikula sa main competition ng 13th Salento International Film Festival sa Italy sa September.
Actually, nanalo nang Best Actor si Allen para sa Iadya Mo Kami sa 4th Silk Road Film Festival sa Dublin, Ireland noong Marso lang.
Sa WPFFP entry naman ni Allen na EDSA, isang taxi driver ang papel n’ya. Actually, bale tatlong istorya ang bumubuo ng pelikulang nagwaging Best Picture sa seksiyon na New Filipino Cinema at ginawaran din ito ng Special Citation for Acting Ensemble, na ang ibig sabihin ay mahuhusay ang pagganap ng mga artista sa pelikula. Nasa lead cast din nito sina Kris Bernal at Aljur Abrenica.
Si Alvin Yapan ang director ng pelikula. Nagwagi rin ito ng Best Cinematography (para kay Ronald Rebutica) at Best Sound Engineering (Corinne San Jose).
May tatlong international acting awards na si Allen para sa pagganap n’ya sa Magkakabaung last year.
Samantala, ang papel ni Sandino sa The Dog Shooter ay tagapag-alaga ng isang aso na inuupahan para makipag-sex sa babaeng aso para magkaroon ito ng mga anak na magandang lahi. Kabilang sa responsibilidad ng tagapag-alaga ay siguraduhing naka-shoot ang ari ng asong lalaki sa ari ng babae para walang masayang na semilya. ‘Yon ang dahilan kung bakit ganoon ang titulo ng pelikula.
KITANG-KITA KO – Danny Vibas