SA July 13 na pala magsisimula ang pinaka-unique at pinakabagong film event sa bansa, ang ToFarm Film Festival.
Pinaka-unique sa halos sampu na ring yearly film festivals sa Pilipinas ang ToFarm dahil ang entries dito ay dapat na may kinalaman sa buhay ng mga Pinoy na nasa agrikultura.
“Entertainment films ang entries sa ‘ToFarm’ at hindi pagtuturo ng kung paanong magtanim ng palay o ng sibuyas, o kung paano mangisda,” pagbibigay-diin muli ni Direk Maryo J. de los Reyes bilang festival director sa pangatlong press conference ng ToFarm. (At sakaling ‘di n’yo pa alam, ang pangingisda at pagkakaroon ng mga palaisdaan ay bahagi ng agrikultura.)
Iba’t ibang genre ang pitong entries sa festival na ito na ang nag-conceptualize ay si Dr. Milagros O. How na executive vice president ng Universal Harvesters, Inc. Halimbawa ay may love triangle, ang Paglipay; may action film (Pilapil); may folk tale (Kakampi); may comedy (Free Range); at may road movie (Pauwi Na).
May mainstream stars din sa mga cast ng entries, gaya nina Cherie Pie Picache, Bembol Roco, James Blanco, atJackie Rice.
May first-time directors din, gaya ni Maricel Carriaga (Pitong Kabang Palay) na laking bukid talaga bagamat isa na siyang engineer-teacher sa Cagayan Valley Region.
Personally, very excited kaming mapanood ang entries dahil ngayon lang nga tayo may festival tungkol sa mga kababayan natin na bumubuhay sa ating agrikultura.
Oo nga pala, sa mga taga-probinsiya, huwag kayong mag-alala, mapapanood n’yo ang entries sa ToFarm Film Festival dahil pagkatapos idaos ‘yon sa Metro Manila, gagawin din ‘yon sa ilang key cities sa mga probinsiya mula Agosto hanggang Oktubre. I think first time lang din na ang isang festival sa Metro Manila ay dadalhin din sa mga lalawigan.
KITANG-KITA KO – Danny Vibas