Bongbong inendoso ng LP candidates sa Southern Leyte
Niño Aclan
April 25, 2016
News
MAASIN CITY, SOUTHERN LEYTE— Muling nabawasan ng tagasuporta ang pambato ng Liberal Party (LP) makaraan iendoso ng pamilya Mercado ang kandidatura ni vice presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Mismong magkapatid at mag-amang Mercado ang nanguna para ikampanya si Marcos sa mga mamamayan ng Maasin nang bumisita siya rito.
Kabilang sa mga Mercado na nag-endoso at nagtaas ng kamay ni Marcos sina Maasin mayorality candidate Nikko Mercado, kasalukuyang ABC president, congresssional candidate Going Mercado, kasalukuyang gobernador, at govenatorial candidate Mina Mercado, kasalukuyang kongresista.
Ikinatuwiran ng pamilya Mercado, hindi nila maaaring pabayaan si Marcos dahil kanilang kababayan na isang Visaya at Waray.
Nanindigan din ang pamilya Mercado na handa silang tanggapin ang ano mang parusang ipapataw sa kanila ng Liberal Party sakaling malaman ang kanilang pag-endoso at pagkampanya kay Marcos.
Kaugnay nito, hindi inetsapuwera ng Unity Caravan ni Marcos ang mismong baluwarte ng mga Romualdez — ang Leyte.
Buong puwersang nangampanya ang pamilya Romualdez sa kandidatura ni Marcos at ito ay pinangunahan ng kanyang ina na si dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos, tiyahin na si Juliet Romualdez, na ina ni senatorial candidate Martin Romualdez, pinsan na si Tacloban Mayor Alfred Romualdez at asawang si Cristina at Yedda Romualdez, may-bahay ni Martin.
Ayon kay VP Marcos, kailan man ay hindi nawala sa kanilang listahan ang Leyte bagkus ay pinaghandaan lamang nilang mabuti.
“We want to save for last,” ito ang sabi ni Marcos kasunod ng palakpakan at hiyawan ng mga mamamayan ng Leyte sa kanilang mainit na pagsalubong.
Iginiit ni Marcos, kailanman, hindi maaaring kalimutan at pabayaan ang sariling bayang sinilangan.
“There is no place like home,” dagdag ni Marcos.
Mismong ang dating unang ginang din ang nagsalita sa pamamagitan ng Waray, sa kanyang mga kababayan para ikampanya hindi lamang ang anak na si Marcos kundi maging si Martin at mga pamangkin na tumatakbo sa Tacloban.
Binigyang-linaw ni Imelda, ang tagumpay ng kanyang anak na si Bongbong at pamangkin na si Martin ay tagumpay ng buong Region 8 at ng bayang Filipinas.
Aminado si Imelda na bagama’t siya ay 86-anyos na at hindi na tinedyer o bata pa ngunit ang kanyang puso ay nanatiling bata para sa pagsisilbi at pamamahala sa bawat mamamayang Filipino.