SUMABLAY sa kalkulasyon ang dalawang Mapua Cheerping Cardinals member kaya masama ang landing nila sa 91st NCAA cheerleading competition sa MOA Arena sa Pasay City.
Kahit nasaktan, tinapos pa rin nina team captain Noel Laforteza Jr. at Dale De Guzman ang kanilang routine bago isunugod sa ospital para maeksamin at gamutin ang sugat na natamo.
”Hindi po maganda ang pagkakasalo sa basket tosses so nagkaroon siya ng konting concussion sa ulo tapos medyo nag-blurred siya e. Nagkaroon daw siya ng delayed sa reaction,” kuwento ni Mapua coach Ian Diamante.
Nasugatan sa kanang kilay si De Guzman.
“Nu’ng na-checkup siya ng PT (physical therapist) namin at medical team ng NCAA for possible hematoma raw. So ipa-follow up checkup lang pero wala naman siyang signs ng talagang hematoma. For security purposes na lang,” paliwanag ni Diamante.
( ARABELA PRINCESS DAWA )