De Lima iresponsable — Roque (Ex-Justice Secretary pa naman)
jsy publishing
January 26, 2016
News
PINALAGAN ngayong Lunes ng abogadong si Harry Roque, first nominee ng Kabayan Party-List, ang tinagurian nitong “iresponsableng mga komento” ni dating DOJ Secretary Leila de Lima hinggil sa pag-aresto sa itiniwalag na miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca kasabay ng payo sa LP senatorial candidate na “maghinay-hinay” sa pagbibigay ng pahayag “kung hindi alam ang buong pangyayari.”
“Iresponsable ang mga sinabi ni De Lima, lalo na dahil dati siyang Justice Secretary at Commission on Human Rights Chair. Valid ang warrant of arrest na inilabas ng angkop na hukuman. At katunayan nga nito, dalawang warrant ang ibinaba ng dalawang magkaibang korte,” ayon sa UP Law Professor.
Ngunit hindi naman umano nagulat si Roque sa mga inihayag ni De Lima dahil hindi ito ang unang pagkakataong “binalewala nito ang presumption of innocence” kapag INC ang nasa gitna ng usapin.
“Ano pa ba ang aasahan natin kay De Lima? Alam na alam na natin ang kanyang pagkahilig sumawsaw sa mga usapin ng INC at pananamantala nito sa ‘bias’ ng mga botanteng Filipino laban sa INC makuha lamang ang atensiyon ng media at makinabang sa politika,” mariin na tinuran ni Roque.
Sa isang panayam, sinabi ng nabanggit na kandidato ng LP na ang pag-aresto kay Menorca ay “irregular” at “malamang na ilegal.” Agad inilabas ni De Lima ang komento matapos mapanood ang umano’y video ng pag-aresto kay Menorca.
Isinailalim sa kustodiya ng pulisya si Menorca noong Enero 20, dahil sa warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court sa Lanao Del Norte at Marawi City. Si Menorca ay nahaharap sa magkahiwalay na kaso ng libel na isinampa ng mga mirembro ng SCAN International, isang organisasyong binubuo ng mga kasapi ng INC na mahilig sa radio communications na naaasahan rin ng Iglesia sa ‘rescue and rehabilitation missions’ tuwing may kalamidad saan mang bahagi ng bansa.
Nag-ugat ang mga kaso ni Menorca noong sabihin niya na ang SCAN International ay nagsisilbing death squad ng INC.
Dati nang nasadlak sa alegasyon ng pagkiling si De Lima laban sa INC matapos siya mismo ang tumanggap ng reklamong illegal detention ng itiniwalag na ministrong si Isaias Samson, Jr., laban sa pamunuan ng INC.
Nagbigay din si De Lima ng kanyang mga espekulasyon sa telebisyon hinggil sa merito ng kaso bago pa man sumailalim sa preliminary investigation na isinagawa ng kanyang departamento. Ibinasura ang nabanggit na kaso ng sumunod na kalihim na si Benjamin Caguioa, na itinalaga na ngayon bilang Mahistrado ng Korte Suprema.
Sinabi ni Roque, nagtataka siya sa patuloy na pag-atake sa INC ng mga taong malapit kay LP candidate Manuel “Mar” Roxas. Nauna nang napabalita na hindi makukuha ni Roxas ang endorso ng INC sa darating na halalan.
“Ang mga kasong libelo laban kay Menorca ay isinampa ng mga taong tinawag niyang ‘hooligans’ at ‘hired killers.’ Walang kinalaman ang INC sa mga kasong ito. Hindi ko maintindihan kung bakit patuloy nilang idinadamay ang Iglesia sa mga kasong ito samantala kahit sinong inosente na tatatawagin mong mamatay-tao ay talagang sasampahan ka ng kaso,” giit ni Roque.
Susog ni Roque, ang ginawa ni De Lima ay katumbas ng pagiging “unbecoming of an officer of the court.”
“Bilang abogado, alam na alam ito ng dati nating Kalihim ng Katarungan. Una, ang pagyurak sa pagkatao ng mga hukom (na nagbaba ng mga warrant) nang walang basehan ay isang pagtatangka sa ‘judicial integrity.’ Pangalawa, ang paninira sa reputasyon ng isang ‘homegrown Filipino church’ dahil lamang sa mga aksiyong legal ng hiwalay na pribadong organisasyon ay mali at malisyoso.”
Umapela naman sa media si Roque, maging sa mga politiko, laban sa pananamantala at pagsakay sa mga usaping ito at “hayaan na lamang gumulong ang katarungan” hinggil dito.
“Sa kabila ng paulit-ulit at sunod-sunod na pag-atake, kapuri-puri ang gawi ng mga opisyal ng INC na nagpahayag ng kahandaan nilang makipagtulungan sa tamang ahensiyang mag-iimbestiga sa mga pangyayari at kita naman kung paano sila tumalima sa pahayag nila. Hayaan nating malayang makapagsamba ang mga kasapi ng INC. Tigilan na ang pakikialam sa karapatan nila.” (HNT)