Black Friday protest vs veto ilulunsad
jsy publishing
January 19, 2016
News
MAGLULUNSAD ng serye ng Black Friday Protest ang mga apektadong sektor upang kontrahin ang pag-veto ni Pangulong Benigno Aquino III sa panukalang P2,000 across the board increase ng Social Security System (SSS) pensioners.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares, ang Black Friday Protest ay pagsusuot ng itim tuwing Biyernes upang ihayag ang pagtutol sa veto ng Pangulo sa panukala.
Iniimbita ng mambabatas ang lahat ng mga interesado, partikular ang mga senior citizen na dumalo sa isang pagpupulong sa Enero 21, dakong 10 a.m.
Magkakasa rin ng mass protest ang mga apektadong sektor sa mga tanggapan ng SSS sa buong bansa upang mangalampag kaugnay ng pag-veto.
Panawagan ni Colmenares, “Ang hinihingi ko sa senior citizens sa buong bansa, puntahan, kausapin, tawagan, sulatan ang mga district Congressmen nila at makiusap na bumoto roon sa override.”
Muli rin pinasinungalingan ni Colmenares ang pananaw ng pamahalaan na pagkalugi at pagkabangkarote ng SSS.
Overriding vs PNoy’s veto dapat mauna sa Kamara — Drilon
HINDI muna kikilos ang Senado hangga’t hindi dumaraan sa mababang kapulungan ng Kongreso ang isinusulong na override sa veto ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa P2,000 dagdag pensiyon para sa mga nagretirong miyembro ng Social Security System (SSS).
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, kailangan mauna munang umaksiyon ang Kamara at kung nakamit ang sapat na boto para ma-override ang veto ni Pangulong Aquino ay saka nila tatalakayin sa Senado.
Ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano, nagsusulong na ipawalang bisa ang veto ng Pangulo, kokonsultahin muna niya ang mga senador bago isulong sa plenaryo ang overriding.
Sakaling umusad sa Senado ay kailangan ng mga senador ng two-third votes o katumbas ng 16 senador para ma-override ang veto ni Aquino laban sa pagsabatas ng karagdagang SSS pension.