Monday , December 23 2024

Marquez tumiklop sa liga (Sa laban bilang Pangulo)

011816 FRONTTUMIKLOP ang buntot at tuluyan nang sumuko sa laban bilang pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Parañaque City si Jeremy Marquez, ang anak ng aktor at komedyanteng si Joey Marquez.

Walang nagawa si Marquez kundi makiusap sa mga kapwa niya kapitan para bigyan siya ng isang buwan bago lisanin ang puwesto, matapos mabigong makakuha ng temporary restraining order (TRO) sa korte para pigilan ang naunang resolusyon na nagpapatalsik sa kanya sa puwesto.

Una nang pinatalsik bilang pangulo ng kapwa niya mga punong barangay si Marquez, dahil sa sinasabing magaspang na pag-uugali at pagiging oportunista na nagresulta  sa kawalan nila ng tiwala sa kanyang patuloy na pamumuno sa kanilang samahan.

Nilagdaan ng 12 punong barangay ang resolusyon noong Disyembre 23, 2015 para ideklarang bakante ang posisyon ng pangulo at itinakda nila ang isang halalan noong Disyembre 29, 2015.

Sa ginanap na halalan ay nanalo si Kapitan Christopher Aguilar ng Brgy. Marcelo Green at noong Enero 4 ng kasalukuyang taon ay pormal nang nanumpa bilang bagong pangulo. 

Nagmatigas si Marquez at nagtangka pang magpatawag ng pagpupulong ngunit hindi siya sinipot ng kanyang mga kasamahan.

Tuluyan nang gumuho ang pangarap ni Marquez na manatili sa puwesto matapos lumabas ang desisyon ni Parañaque Regional Trial Court (RTC) Branch 257 Judge Rolando G. How noong Enero 14 na tumangging maglabas ng TRO pabor sa kanya.

Sa kanyang petisyon ay sinabi ni Marquez na kailangan maglabas ng TRO ang korte sapagkat maaapektohan ang katungkulan niya bilang kinatawan sa city council, ngunit ibinasura ng hukom ang kanyang katuwiran sa pagsasabing kayang gampanan ni Aguilar ang mga gawain niya sa konseho.

Dahil dito ay naobliga na si Marquez na umatras at nakiusap sa mga kasamahan na pagbigyan siyang umupo hanggang Pebrero 29 upang makapaghakot ng mga gamit at tapusin ang ilang gawain.

Alang-alang sa pagkakaisa, pumayag ang mga kasamahan niya at maging si Aguilar ay nagmagandang loob din na pagbigyan ang kanyang kahilingan bagamat dahil sa desisyon ng korte ay maaari na siyang maupo ano mang oras na naisin niya.

Sa isang panayam, matatandaan na kinompirma ni Johnny Co, punong barangay ng Sto. Niño, na napagkaisahan nilang sipain sa puwesto si Marquez sa pamamagitan ng isang resolusyon dahil sa paggamit sa kaniyang posisyon para isulong ang sariling interes imbes isulong ang kapakanan ng mga mamamayan sa kanilang lungsod.

“Ang gusto namin sa pangulo ng aming grupo ay iyong kapakanan ng taumbayan ang uunahin at hindi ang pansariling interes ang inaatupag at isa pa ay dapat marunong din siyang tumupad sa kanyang mga pangako at pinasok na kasunduan,” wika ni Co.   

Napag-alaman na hindi tumupad si Marquez sa naunang gentleman’s agreement kay Aguilar kaugnay sa term sharing bilang pangulo ng kanilang samahan, na mauupo si Marquez nang isa’t kalahating taon at ang nalalabing 18 buwan ay si Aguilar na dapat ang tatapos.

Ang termino nila bilang mga bagong halal na punong barangay ay nagsimula noong tanghali ng Nobyembre 30, 2013 at magtatapos sa Nobyembre 30, 2016.

Kung nasunod ang usapan, dapat ay uupo bilang pangulo si Marquez hanggang Hunyo 2015 at pagkatapos ay papalitan na siya ni Aguilar na uupo hanggang Nobyembre 30 ng taon kasalukuyan.

Pero nang sumapit ang Hunyo noong nakaraang taon ay hindi pa rin bumaba si Marquez kaya naobliga si Aguilar noong Nobyembre na lantarang hilingin sa harap ng mga kapwa nila kapitan na tuparin ang usapan.

About Hataw News Team

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *