OPISYAL na inilabas ng Tanduay Rhum ang lineup nito para sa PBA D League Aspirants Cup na magsisimula sa Enero 21.
Pangungunahan ng mga beteranong sina Jaypee Belencion, Lucas Tagarda, Joseph Eriobu, Adrian Santos, Rudy Lingganay at Pari Llagas ang kampanya ng Rhum Masters sa ilalim ni coach Lawrence Chiongson.
Nakuha ni Chiongson ang mga baguhang sina Ryan Wetherell, Ryusei Koga, Reden Celda, Jeoffrey Javillonar, Von Pessumal at Ponso Gotladera para palakasin ang Tanduay.
Kagagaling lang sina Belencion, Lingganay, Santos at Llagas sa katatapos na Founders Cup ng Pilipinas Commercial Basketball League (PCBL).
Unang makakalaban ng Rhum Masters ang Caida Tiles (dating Keramix) sa Enero 21 sa Filoil Flying V Center sa San Juan simula alas-dos ng hapon.
Maghaharap sa ikalawang laro sa alas-4 ang National University-Banco de Oro at JAM Liner-University of the Philippines.
Magsisimula ang opening ceremonies sa ala-una.
Ang iba pang mga kasali sa PBA D-League Aspirants Cup ay ang Café France, AMA Online Education, Wang’s Basketball, FEU-Phoenix Fuels at Mindanao Aguilas.
Lilipat ang TV coverage ng PBA D League sa Aksyon TV pagkatapos na malugi ang dating TV coveror ng liga na Asian Television Content Corporation at IBC 13. ( James Ty III )