SIGURADONG mapupuno ang Mall of Asia Arena sa araw ng Pasko dahil sa pinakahihintay na sagupaan ng magkaribal at magkapatid na koponang Barangay Ginebra San Miguel at Purefoods Star Hotdog sa pagsisimula ng quarterfinals ng Smart BRO PBA Philippine Cup.
Twice-to-beat ang Gin Kings sa seryeng ito kahit natalo sila sa Hotshots, 86-78, sa kanilang paghaharap sa elimination round noong Oktubre 25.
Nakuha ng tropa ni Tim Cone ang ika-apat na seed sa playoffs pagkatapos na pabagsakin nila ang Talk n Text, 91-84, sa pagtatapos ng elimination round noong Linggo.
“A Christmas Day game is so difficult because of so many distractions going on,” wika ni Cone. “It will be a long, tough road ahead. We’ll try to find a way to beat them (Hotshots) and they will find a way to beat us. There’s no love lost between us. Hopefully, we won’t take things for granted and those Purefoods players know how to play well in the playoffs. They are the toughest team because of their experience.”
Susi sa serye ng Ginebra at Star ay si Greg Slaughter na nagdomina kontra sa mga sentro ng TNT sa kanyang 27 puntos, 13 rebounds at tatlong supalpal noong Linggo.
“We needed this win to get a better placing and momentum. It’s good that we got a win over an elite team heading into the playoffs,” ani Slaughter. “They (Star) kicked our butts the last time we played them but we’ve grown a lot since then. We just got to keep playing as hard as we can.”
Ang iba pang mga serye sa quarterfinals ay Globalport kontra Barako Bull, Rain or Shine kalaban ang Blackwater Sports at TNT katunggali ang North Luzon Expressway.
Bukod sa Ginebra, twice-to-beat din ang Batang Pier, Elasto Painters at Tropang Texters.
Ang mga mananalo sa unang round ng quarterfinals ay aabante sa knockout stages kung saan ang mga magwawagi rito ay papasok sa semifinals.
Naghihintay sa best-of-seven semis ang Alaska at San Miguel Beer.
( James Ty III )