IGINIIT ng bagong head coach ng De La Salle University na si Aldin Ayo na lumipat siya mula sa Letran dahil sa kanyang problema sa pamilya.
Sa panayam ng www.spin.ph, sinabi ni Ayo na nahiwalay na siya sa kanyang asawa’t dalawang anak dahil sa kanyang debosyon sa trabaho sa Knights na ginabayan niya sa titulo ng NCAA noong Oktubre.
Bukod pa rito ay nagkaproblema ang negosyo ni Ayo sa Sorsogon kaya umatras siya sa pagtakbo muli bilang konsehal sa Sorsogon sa darating na eleksyon.
“The very reason na kaya naman tayo nag-tatrabaho ay dahil sa pamilya. ‘Yung sa akin, ‘yung trabaho ko, winala nito ‘yung pamilya sa akin. I lost my family because of my job. ‘Yung dahilan para magtrabaho, nawala. Nagkaroon ng mga misunderstanding dahil sa pagtatrabaho, hindi nagkaunawaan,” wika ni Ayo. “New environment, fresh start, new opportunity. Kaya kahit hindi ko alam ‘yung figure (ng salary), um-oo na agad ako (sa La Salle). I don’t have any intention to talaga. Ayoko na bumalik sa Manila kasi very trying talaga. Sinubukan talaga ako.”
Umaasa si Ayo na muli niyang makakasundo ang kanyang pamilya.
Inamin din ni Ayo na sumama ang loob ng ilang mga alumni ng Ateneo dahil sa kanyang desisyong lumipat ng eskuwela lalo na dati siyang manlalaro ng Knights at mag-aaral sa Letran.
“Mag-isa ako. Miss na miss ko na mga anak ko dahil hindi ko na nakikita. Ayoko na ngang isipin na trabaho ‘to kasi sa totoo lang, eto talaga ‘yung dahilan kung bakit naghiwalay kami. Nasa kanya ‘yung custody ng anak ko. Ayoko namang sisihin dahil nangyari na,” ani Ayo na pumalit kay Juno Sauler sa paghawak sa Green Archers. ( James Ty III )