SWS survey pabor kay Duterte ‘luto’ (Ayon kay Sen. Sonny Trillanes)
Niño Aclan Cynthia Martin
December 8, 2015
News
BINATIKOS ni vice presidential aspirant Senator Antonio Trillanes IV kahapon ang Social Weather Station (SWS) sa pagpapalabas ng aniya’y “rigged and invalid” survey bilang propaganda pabor sa kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Si Duterte ang nanguna sa SWS survey na kinomis-yon ng Davao-based businessman at isinagawa nitong huling linggo ng Nobyembre, o lima hanggang anim na araw makaraang magdeklara ang alkalde ng intensiyon niyang paglahok sa presidential race.
Ayon sa survey, 38 porsiyento ng 1,200 respondents ang bumoto para kay Duterte, nalagpasan si Senator Grace Poe bilang poll front-runner. Sina Poe at Vice President Jejomar Binay ay nag-tie sa 21 porsiyento habang si administration bet Mar Roxas ay nakakuha ng 15 porsiyento. Si Senator Miriam Defensor-Santiago ay tumanggap ng 4 porsiyento.
“The survey that was released is a propaganda article which was done by the Alan Cayetano-Duterte camp so it naturally favors their candidates,” pahayag ni Trillanes sa Pandesal Forum sa Quezon City.
Ipinunto ni Trillanes, sumusuporta kay presidential aspirant Poe, ang survey ay isinagawa bago ang pagpa-pahayag ni Duterte nang hindi mainam na mga salita sa kanyang mga panayam, partikular laban kay Pope Francis.
“The survey was conducted before the infamous speeches of Mayor Duterte and I believe that will have an impact,” aniya.
Ang tanong sa survery na binanggit ang pangalan ni Duerte, ay paglabag sa pagsasagawa ng quantitative research, ayon kay Trillanes.
Ganito umano ang tanong sa respondents, “With Rodrigo Duterte on this list as a substitute candidate for President, who would you most likely vote for Pre-sident if the elections were held today?”
“Sinabi nating niluto dahil kung titingnan ninyo ang tanong, talagang isinubo ang pangalan ni Duterte,” aniya.
Samantala, sinabi ni Trillanes, ang SWS ay notor-yus sa pagpapagamit bilang propaganda instrument ng ilang mga politiko.
Aniya, napatunayan ito noong 2004 nang muling tumakbo si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
“We have witnessed that during the 2004 presidential elections when they kept on voting GMA as the front runner and ultimately as the winner on the elections,” aniya.
Si Trillanes, kasama ang kapwa Magdalo Group members, ay nanguna sa dalawang bigong kudeta laban kay Arroyo noong 2003 at 2007.
Aniya, ang media ay dapat na maging higit na mapanuri sa paggamit ng mga artikulo mula sa SWS at Pulse Asia dahil naaapektohan nito ang persepsiyon ng mga botante sa mga kandidato.