NAKIPAG-BREAK pala si Polo Ravales sa non-showbiz girlfriend n’ya mga isa o dalawang buwan pagkalabas n’ya ng ospital dahil sa diperensya n’ya sa spinal column.
Uso na pala talaga ang pakikipag-break sa pamamagitan ng text lang. Sa ganoong paraan lang nakipag-break ang aktor.
“Na-realize ko kasing parang ‘di naman ako mahalaga sa kanya. Ni hindi man lang n’ya ako nadalaw noong nasa ospital ako,” pagtatapat ni Polo noong press conference ng Angela Markado, ang re-make ni Direk Carlo Caparas ng pelikula ni Lino Brocka noong 1980.
Tungkol sa gang rape ang pelikula at isa si Polo sa gumaganap na rapist ni Andi Eigenmann na siya namang gumaganap na biktima (na ginampanan noon ni Hilda Koronel).
Ayon kay Polo, sumama naman daw ang girlfriend n’ya sa paghahatid sa kanya noon sa ospital, pero pagkatapos niyon ay di na ito dumalaw sa kanya.
“Habang nasa ospital ako, nasa Cebu siya, nagbabakasyon daw with her family. Matagal na raw naiplano yon, kaya ayaw n’yang maiwan sa Manila. Pagbalik n’ya from Cebu, naging busy naman daw siya sa pag-i-entertain ng visiting relatives nila from abroad. Talagang wala na siyang panahon para sa akin,” paliwanag pa ni Polo.
Wala pa raw siyang lovelife ngayon, bagamat fully recovered na siya sa pagkakaospital n’ya. Nakagawa na nga siya ng pelikula, eh. At baka maging bahagi rin daw siya ng isang teleserye.
Tattoo artist nga pala si Polo sa Angela Markado. Sa istorya, tatatuan n’ya si Angela, kaya matatagurian ang waitress na “markado.” In real life, marami ngang tattoo si Polo sa right side ng katawan n’ya.
Oo nga pala, ‘di namin naitanong sa napaka-machong aktor kung sa pagti-text n’ya rin niligawan at napasagot ang girl friend n’ya kaya okey lang na sa text lang din n’ya ito binreyk. Siguro naman, hindi darating ang panahon na sa pamamagitan na lang ng text ang mga tao, at through text na lang din sila magdi-divorce o magpapa-annul.
KITANG-KITA KO – Danny Vibas