SA UTOS ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino ay bumisita si DILG Secretary Mar Roxas sa mga lugar kung saan nanalasa ang bagyong Ineng upang siguraduhing nakaaabot ang tulong ng pambansang pamahalaan dito.
Pumunta si Roxas sa Benguet upang makipagpulong kay Gobernador Nestor Fongwan at ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council.
Dahil sa malakas na ulan ay nagkaroon ng landslide sa bayan ng Mankayan na ikinamatay ng tatlo katao at 13 pa ang nawawala. Nakiramay si Roxas sa mga pamilyang namatayan.
“Nalulungkot tayo sa bilang ng mga namatay at missing,” aniya.
Tiniyak naman ni Roxas na tuloy-tuloy ang tulong ng gobyerno para sa mga nawawala. “All out ang ating search and rescue operations. Inaccessible ang heavy equipments sa Mankayan kaya mano-mano itong hinuhukay ng ating mga bombero at pulis,” ani Roxas.
Ipinag-utos rin ni Roxas ang isang food caravan para sa Benguet. “Ang DILG at ang PNP ay gagawa ng food caravan para ang mga gulay na ito ay maiparating natin sa lowlands ang mga produkto at nang walang sobrang pagtaas ng presyo,” sabi ni Roxas sa PDRRMC.
Dinalaw din ni Roxas ang bayan ng Santa, Ilocos Sur na na-isolate pagkatapos bumagsak ang panandaliang tulay sa lugar. Napinsala ang Bailey bridge noong dumaan ang Bagyong Mario kaya’t panandaliang tulay lamang ang nakalagay dito. Noong Linggo ay ipinagutos na ni Roxas sa PNP na gamitin ang mga assets nito para marating ang Santa. Inikot ni Roxas at ng mga kawani ng DSWD at DPWH kasama ang mga lokal na opisyal ang naging pinsala upang mahanap ang mga agarang solusyon sa mga problemang dinulot ng bagyo. (HNT)