Public funds ginagamit sa kampanya (Astang-Gloria gaya noong 2004)
Hataw News Team
August 26, 2015
News
ANG ‘manhid at kapalmuks’ na paggamit ng pondo at iba pang kagamitan ng gobyerno ng administrasyong Aquino upang ibida ang napili nitong kandidato ay hindi malayo sa mga kaparaanang ginamit ng pamunuan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na isang taon bago ang 2004 elections ay pinagalaw na ang buong makinarya ng gobyerno upang muling maluklok sa puwesto.
“Kung sino pa ang noo’y nanawagan laban sa walang habas na pagkasangkapan sa kapangyarihan, sila pa ngayon – si PNoy at ang kanyang partido – ang nagpapamayagpag sa katiwaliang kinondena nila noon,” ayon kay Renato “Nato” M. Reyes Jr., Secretary General ng Bagong Alayansang Makabayan (Bayan).
Ito ang pahayag ng lider ng Bayan laban sa Liberal Party ng Pangulong Aquino dahil sa estratehiyang ginagamit upang pagandahin ang imahe ni DILG Secretary Mar Roxas na nahuhuli sa mga survey ng mga nag-aambisyong maging susunod na pangulo.
Makikita sa resulta ng mga survey na pumapang-apat lamang si Roxas sa nangungunang si Sen. Garace Poe, Vice President Jejomar Binay at Davao Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon pa kay Reyes, “Sanay hindi urong-sulong ang ginawang pagre-resign ni Roxas dahil sa delicadeza, pero halatang-halata namang ang pagbibitiw niya na sinundan ng pagtanggi ni Aquino ay isang palabas lamang — pakitang tao lang para masabing siya kuno ay MARangal.”
Nagbitiw si Roxas bilang DILG Secretary ngunit napabalita na nakumbinsi ng Pangulo na manatili sa puwesto upang tapusin ang ilang nakabinbing trabaho kabilang na ang modernisasyon ng Philippine National Police at ang relokasyon ng informal settlers sa Metro Manila.
Ayon sa aktibista, matapos basbasan, nag-umpisa nang mag-ikot si Roxas sa iba’t ibang panig ng bansa na parang “mala-kampanya,” at pinakahuli ang pangangampanya sa Cebu na dinaluhan ng Pangulo at ng mga miyembro ng gabinete kabilang sina Justice Secretary Leila De Lima, Health Secretary Janette Garin, at MMDA Chair Francis Tolentino na inaasahang tatakbo bilang Senador sa partido ng Pangulo.
Bukod sa nasabing pagtitipong tinagurian nilang “gatherings of friends,” namimigay din ng mga firetruck at patrol car sa mga pamahalaang lokal na umano’y bahagi ng kanilang “capability enhancement.”
Nakita ring namahagi si Roxas ng “emergency funds” para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
“Limandaang araw mula nang manalasa ang Bagyong Yolanda. At taon na ang binibilang mula nang mag-umpisang magsumamo ang mga biktima para sa tirahan, hanapbuhay at tulong-pinansiyal. Sa wakas unti-unti nang dumarating – dala ni Mar Roxas – habang maagang nangangampanya para sa eleksiyon sa Mayo 2016. Halatang-halata naman ito.”
“Umiikot na ngayon sa bansa ang Chosen One ng pangulo at animo’y si Santa Claus bitbit ang ipinamumudmod na biyaya. Hindi pa Pasko at masyado pang maaga para sa ‘campaign period’ ng halalan sa 2016. Ito ang pinakamagandang halimbawa ng Daang Baliko at Bako-bako. Nasaan ang Marangal sa ginagawang ito ni Secretary Roxas sa pera ng taong bayan?” ayon kay Reyes.
HATAW News Team