Binay mumultuhin ng ‘ghost senior citizens’
Hataw
August 21, 2015
Opinion
HABANG tumatagal ay lalong nalulubog ang presidential frontrunner na si Vice President Jojo Binay dahil sa walang humpay na mga kontrobersiya na kanyang kinasasadlakan.
Kahapon, lumutang ang panibahong pasabog laban sa bise president sa ginanap na public hearing ng Senate blue ribbon subcommittee.
Ang isyu naman ngayon sa kanya ay hinggil sa “ghost senior citizens” na patuloy na tumatanggap ng cash benefits mula sa local na pamahalaan ng Makati gayong sila ay patay na.
Sinasabi, na base sa listahan ng Makati, may 60,000 senior citizen daw ang binibigyan ng benepisyo, ngunit sa rekord naman ng National Statistics Office, mahigit 30,000 lang ang lehitimong senior citizen sa nasabing lungsod ang nakarehistro.
Gaya ng mga naunang pagtatanggol sa sarili, madali para kay Binay na sabihin na walang katotohanan ang panibagong akusasyong ito.
Pero, gaya rin nang dati, hindi naman basta-basta maniniwala ang mamamayan ngayon sa kanyang mga pagtanggi.
Naghihintay ang publiko na ganap na patunayan ni Binay na walang katunayan ang lahat ng ibinibintang sa kanya hindi lang sa salita.
Kung malinis talaga ang konsensiya ni Binay harapin niya ang kanyang mga kalaban sa Senado at doon patunayan na wala nga siyang ibinubulsang pera ng taumbayan.
Kailangan magpakita ng konkretong ebidensiya si Binay na wala siyang pananagutan sa bagong akusasyon na ibinabato laban sa kanya.
Hindi mapapasubalian ang isang akusasyon sa pamamagitan ng pagtanggi lamang dito.