KUNG hindi na maglalaro sa Gilas Pilipinas si Marc Pingris, hindi natin siya masisisi. Hindi natin siya matatawag na hindi makabayan.
Kasi’y nakapaglingkod na naman siya nang kung ilang beses sa Philippine team. Naibigay niya ang inaasahan sa kanya. Itinodo niya ang kanyang lakas at dedikasyon. Wala nang puwedeng hingin pa sa kanya.
Hindi naman siya nagkulang.
Baka nagkakedad na lang. O may pinagdaraanang problema na kailangan muna niyang ayusin.
Kumbaga’y hindi siya magiging effective hangga’t hindi naaayos lahat. At kung hindi siya effective, bale-wala ang kanyang presensiya sa national team.
Sa totoo lang, kailangan din namang patuloy na humanap at sumubok ng mga batang manlalaro. Hindi porke’t naging effective ang isang player noon, ganoon pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Ayon nga kay Glen Ford sa pelikulang “The fastest Gun Alive,” : No matter how fast you are, there will always be someone faster.
Kahit na ikaw ang pinakamagaling, tiyak na may gagaling pa sa iyo. Kasi, hindi ka bumabata.
Hindi maituturing na trahedya para sa Gilas Pilipias ang pagkawala ni Pingris. Mabuti nga at habang maaga ay nagpasabi na siya. Hindi niya ibinitin sa ere ang kanyang koponan.Binigyan niya ito ng sapat na panahon upang makahanap ng kapalit.
At marami namang puwedeng pumalit sa kanya. Marami namang manlalarong kayang gawin ang ginagawa ni Pingris kung dodoblehin nila ang kanilang sipag.
Malay mo, kapag naging bahagi ng national team ang isang player ay mas matindi pa pala ang kaya nitong gawin kaysa kay Pingris.
0o0
Belated happy 66th birthday to Luzbella Dino of Lico St., Tondo, Manila. Greetings coming from his loving husband Bado Dino, children boy, Beth, Leo, Liezel and also from Class 57 of Torres High School.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua