PAGSOSYO sa liderato ang hangad ng defending champion San Beda Red Lions sa pagtutuos nila ng Arellano Chiefs sa pagwawakas ng first round ng eliminations ng 91st National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament mamayang 4 pm sa The Arena sa San Juan.
Sa unang laro sa ganap na 2 pm ay magkikita ang Perpetual Help Altas at Jose Rizal Heavy Bombers.
Ang Red Lions ay may five-game winning streak at kasalukuyang nasa ikalawang puwesto sa kartang 7-1. Kung magwawagi sila kontra Chiefs ay tatabla sila sa Letran Knights na nagtapos nang may 8-1. Pero mananatili sila sa ikalawang puwesto bunga ng pagkatalo sa Letran, 93-80 noong Hulyo 16.
Ang Chiefs ay katabla ng Heavy Bombers sa ikaapat na puwesto sa record na 5-3 sa likod ng tumeterserang Altas na may 6-2.
Magugunitang ang Red Lions at Chiefs ay nagharap sa best-of-three finals noong isang taon kung saan namayani ang San Beda 2-0. Iyon ang unang pagkakataong nakarating sa NCAA Finals ang Chiefs sa ilalim ni coach Jerry Codinera.
Kumpara sa line-up noong nakaraang season ay bahagyang humina ang Chiefs sa taong ito sa pagkawala nina John Pinto at Prince Caperal na parehong umakyat sa PBA.
Naiwan sa poder ng Chiefs sina Dioncee Holts at Southeast Asian Games veteran Jio Jalalon.
Ang Chiefs ay nakabawi sa 76-66 pagkatalo sa Perpetual Help nang tambakan ang St. Benilde Blazers, 85-73 noong Biyernes.
Ang Red Lions ay hawak naman ng bagong coach na si Jamire Jarin na humalili kay Boyet Fernandez. Nabawasan din ang lakas ng Red Lions sa pag-akyat ng ilang manlalaro sa PBA tulad nina Kyle Pascual, Anthony at David Semerad.
Bagama’t nananatili sa koponan sina Ola Adeogun at Art dela Cruz ay nagtamo naman ng injury ang lead point guard na si Baser Amer na baka hindi na makasama ng Red Lions sa kabuuan ng season.
Ang kanyang pagkawala ay pinupunan nina Ryusei Koga at Roldan Sara.
(SABRINA PASCUA)