ANIM na araw na lamang ang nalalabi at gaganapin na ang 2015 PBA Rookie Draft sa Robinson’s Place Manila.
Labing-dalawang koponan ang mamimili sa mga top amateur basketball players na nagsumite ng appplication sa Draft. Hindi lahat ng nag-apply ay mapipili. At hindi lahat ng napili ay mapapapirma ng kontrata. Iyan ang realidad ng buhay sa PBA.
Survival of the fittest, ‘ika nga.
At kahit na mapili pa ang isang player at mapapirma ng kontrata, walang garantiya na tatagal ang kanyang career sa PBA. Puwedeng mabangko lang siya at maging pampuno ng line-up.
Sa totoo lang, mayroong mga sikat na amateur players na walang napuntahan nang sila ay umakyat sa PBA. At mayroong mga borderline players na nagtagal ng sampung taon sa PBA dahil sa kanilang sipag.
At siyempre,mayroon din namang naputol ang pag-asenso dahil sa nagtamo ng injuries. Kumbaga’y hindi naitadhana na magtagal ang kanilang stint sa PBA.
Marami akong kilalang manlalaro na natuwa lang na mabasa ng kanilang mga pangalan sa pahayagan bilang mga aplikante kahit pa hindi sila napili. At siyempre mas sumaya ang mga iba nang mapili pero hindi mapapirma. Kumbaga’y natupad na ang kanilang mga pangarap sa puntong iyon.
Itong mga nakaraang taon, lalong sumikip ang butas na dadaanan ng mga PBA hopefuls na homegrown dahil sa pagkakaroon ng mga aplikante buhat sa ibang bansa. Mga Fil-foreigners ang tawag dito.
Well, mayroon din naman silang karapatan na mag-apply sa Draft dahil sa may dugong Pinoy sila bagama’t di sila dito sa ‘Pinas lumaki.
Anu’t anuman, tiyak na ang pinakamagagaling na players ang lulusot sa Draft at mapapapirma. At sila ang magiging bahagi ng bagong yugto ng pinakaunang professional basketball league sa Asya.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua