NANG matanong ng isang sports writer si Floyd Mayweather Jr kung sino sa mga nakaharap niyang boksingero na masasabi niyang nagbigay ng magandang laban sa kanya.
Pinangalanan niya ang top 4 na boksingero at ang ikinagulat ng mga boxing fans ay wala ang pangalan ni Manny Pacquiao sa kanyang listahan.
Malaking sampal iyon kay Pacquiao na itinuturing pa naman ng mga boxing experts na isa sa pinakamagaling na boksingero sa kasaysayan ng boksing sa mundo.
Sabagay, puwedeng nagsasabi ng katotohanan si Floyd sa tinuran niyang iyon. Dahil mismong mga boxing experts ang tumasa sa naging performance ni Pacquiao nang magkaharap sila ni Floyd sa Ring.
Marami ang desmayado sa naging labang iyon.
Puwede ring diniskredit niya si Pacquiao dahil hanggang ngayon ay isinusulat pa ang kanyang kasaysayan sa boksing. Isinasantabi niya si Pacman dahil gusto niyang sa kasaysayan ay umangat ang kanyang pangalan na sinisiw niya ang itinuturing dating hari ng pound-for-pound at may hawak ng walong world division titles.
Pero may alibi si Pacman. Umano’y napilayan ang kanyang balikat bago pa man sila magsagupa ni Floyd.
Well, lumipas na iyon. Talaga namang marami ang nadesmaya sa labang iyon. Pero ang punto ngayon ng nagmamahal sa boksing, kung talagang hindi nahirapan si Floyd kay Pacman nang magsalpukan sila sa ring—bakit hindi niya kinunsidera ang rematch na hinihiling ni Pacquiao?
Sa halip ay si Andre Berto ang pinili ni Mayweather bilang huling laban niya sa ring bago magretiro sa boksing.
Bakit hindi niya hintayin ang paggaling ni Pacman at bigyan niya ng rematch ito para burahin ang pag-aalinlangan ng lahat na tinalo nga niya si Pacquiao dahil imbalido ang kanang balikat nito nang maglaban sila.
Mukhang kinatakutan niya ang paggaling ni Pacman at mapapalaban na siya sa tunay na Pacquiao.
oOo
Nakakaalarma yung napanood natin sa news na binaril ng isang pulis ang isang sekyu dahil lang sa sinita siya sa paninigarilyo sa loob ng Internet Cafe.
Ang tindi ng impact ng pamamaril na iyon sa isang taong nagmamahal sa katahimikan.
Biruin mong parang walang anuman na bumunot ng baril ang parak at point blank na pinaputukan ang walang kalaban-labang sekyu.
Whew. Ano naman kaya ang magiging hakbang ng pamunuan ng pulisya sa nangyaring iyon?
Sana naman mabigyan ng katarungan ang naging kamatayan ng kaawa-awang sekyu.
KUROT SUNDOT – Alex Cruz