Machinery vs. Popularity
Hataw
August 17, 2015
Opinion
HALOS siyam na buwan na lang ang nalalabi at ang pambansang eleksyon ay idaraos na. At sa paglipas ng mga araw, tumitining naman kung sino sa dalawang presidential aspirant ang tiyak na magpupukpukan sa Mayo 2016.
Si Vice president Jojo Binay na sa simula ay nanungunguna sa presidential race ay mukhang unti-unti nang naiiwan ng kanyang mga kantunggali na sina Interior Sec. Mar Roxas at Sen. Grace Poe.
Malaki ang epekto ng Senate investigation laban kay Binay kaya sinasabing tuluyang maiiwan sa karera sa halalan.
Pero kung si Roxas at Poe ang talagang dikit na maglalaban, ano ang mangingibabaw para manalo ang alin man sa kanilang dalawa: Ang machinery ba ni Roxas o ang popularity ni Poe? Bagamat matagal nang pinatunayan na ang popularity ay makapangyarihan para makapagluklok ng isang lider, hindi rin mapasusubalian na ang makinarya tulad ng organisasyon at salapi ay malaking bagay para makapagpanalo ng isang kandidato.
Malaki ang problema ni Poe kung popularidad lang ang kanyang aasahan. Hindi bubusugin ang kumakalam na tiyan ng mga botante kung popularity lang ni Poe ang kanilang aasahan. Ang ibig lang sabihin, gusto rin ng mga botante na habang humihiyaw at kumakaway sila kay Poe, kahit papaano ay may nagbibigay rin sa kanila para malamnan ang kanilang mga tiyan.
Pero higit na mabalasik ang makinarya dahil tiyak na ang mga galamay nito ay tumatagos hanggang sa malilit na barangagy at sitio ng mga lalawigan. Marami ang nagsasabing hindi problema ni Mar ang popularity dahil sa mga susunod na buwan, siguradong kukunin ni Roxas ang mga botante sa pamamagitan ng makinarya ng LP.
Mahirap kung sa popularity lang nakasalig ang isang kandidato lalo na kung sinasabing pati ang Comelec ay kakampi ng LP.