NAKAPANGHIHINAYANG ang pangyayaring hindi natin nakuha ang karapatang maging host ng 2019 FIBA World Cup.
Ang karangalan ay ipinagkaloob sa China noong nakaraang linggo.
Sa totoo lang, suntok sa buwan talaga ang pangarap na talunin ang China sa bidding. Kung venue lang na pagdarausan ng laro, aba’y sandamakmak ang Arena ng China. Hindi nga ba’t sa kanila ginanap ang Olympics walong taon na ang nakalilipas.
E bawat siyudad yata nila ay may malaking arena kung saan puwedeng idaos ang mga laro.
Dito sa atin ay mabibilang ang malalaking venues. Sa Metro Manila ay puwedeng idaos ang laro sa MOA Arena at Araneta Coliseum. Maliit naman ang Cuneta Astrodome at Ninoy Aquino Stadium.
Medyo may kalayuan ang Philippine Arena pero maganda naman ito at napakalaki.
May dalawa pa sanang venues pero itatayo pa lang ang mga ito. Ang isa’y malapit sa MOA samantalang ang isa ay sa Cebu.
Siyempre, angat din ang China kung pinansiyal ang pag-uusapan.
Pero kaya naman itong tapatan ni Manny V. Pangilinan, e. Alam naman natin ang damdamin ni MVP basta basketball at Philippine pride ang pinag-uusapan
Ang tunay na bentahe ng Pilipinas ay ang pagiging adik ng mga Pinoy sa basketball. Siguradong panonoorin ang lahat ng mga laro sa 2019 FIBA World Cup kung dito gaganapin iyon. Hindi natin alam kung mapupuno ang mg venues sa China sa 2019.
Kung ang pamamahal na ito sa basketball ang ginamit na number 1 criteria sa pagpili ng host, wala sanang talo ang Pilipinas.
SPORTS SHCKED – Sabrina Pascua